Patay ang tatlong mag-uutol na menor de edad nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Cabanatuan City, Nueva Ecija nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ni Bureau of Fire Protection (BFP)-Cabanatuan City fire investigator SFO2 Walter Enriquez, ang mga nasawi na sina Julius Cesar Gonzales, 12; Christine Joy, 11; at Celina, 3.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng BFP, dakong 8:29 ng umaga nang maganap ang insidente sa Barangay D. S. Garcia.
Bago ang insidente, umalis muna ng bahay si Carolina Gonzales upang bumili ng pagkain at iniwan umanong nakasalang ang pinakukuluang tubig.
Gayunman, habang nasa tindahan, nakita ng mga kapitbahay na umuusok na ang bahay ng mga ito.
Paliwanag naman ni Enriquez, hindi na nila nailigtas pa ang mga bata dahil sa laki ng apoy.
Matapos ang halos kalahating oras, naapula rin ang sunog.