Nagpakawala ng makahulugang tweets at retweets ang certified Kakampink na si Saab Magalona ngayong Easter Sunday, Abril 17, matapos ang naganap na joint press conference ng mga tumatakbong pangulo at pangalawang pangulo sa Peninsula, Manila Hotel.
Parinig niya, "Whoops, you dropped your toxic masculinity." Wala siyang binanggit na pangalan ng kahit na sinumang kandidato.
Subalit niretweet naman niya ang tweet ni VP daughter Tricia Robredo kung saan makikitang nasa kabisera ng mahabang mesa si VP Leni habang kausap ang iba pang mga kandidato, habang naghihintay para sa debate. May caption itong "Focus tayo."
Niretweet din niya ang isang post ng netizen.
"Isko's words are very telling. Addressing Marcos Jr. as 'former senator Bongbong Marcos' and prefacing it "with due respect" while addressing the Robredo camp as 'dilawan, pinklawan, Ocho inodoro', can't even name VP Leni.
"Ang trapo. Also, wag na po tayo pa-victim."
Samantala, kasama sa naganap na joint press con sina Senador Panfilo Lacson, Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, at dating Defense Secretary Norberto Gonzales, Doc Willie Ong, at Senate President Tito Sotto III. Hindi naman nakadalo rito si Senador Manny Pacquiao.
Bago magsimula ang nasabing press conference, binasa ni Mayor Isko ang kanilang joint statement.
“Higit pa man sa resulta ng isang halalan, mas pinaiiral natin ang kalayaan ng ating taumbayan na pumili ng kanilang magiging lider,” ani Mayor Isko habang binabasa ang statement.
“Nais naming makadaupang-palad ang ating mga kababayan, alinsunod sa kagustuhan nilang mas lalo pa kaming makilala bilang mga kandidato. Sa halip na kami ay malayo sa kanila sa pamamagitan ng prosesong pang electoral, magkaroon ng pagkakaisa tungo sa pagnanais na kung ano ang kakahinatnan ng ating bansa.
“Kasama kami sa kagustuhan ng ating mga kababayan na magkaroon isang diwa ng pagsasama-sama na mananaig sa umiiral na bangayan at personal na misyon upang yakapin ang pagkakaisa para sa ikabubuti ng lahat na hindi lamang mga kataga o bukambibig ang politika.
“Kami ngayon ay nangangako, una, maninilbihan sa pamahalaan na kung sinuman ang mapipili sa amin ng ating taumbayan na magiging susunod na pangulo at kami ay magsasanib-pwersa ang anumang pagtatangka na baluktutin ang totoong pagpapasya ng taumbayan sa pamamagitan ng paggalaw ng hindi kanais-nais o ‘di kaya paglilimita sa malayang pagpili ng ating mga kababayan.”
Binigyang-diin ni Domagoso na hinding-hindi sila magbibitiw sa kanilang kandidatura.
“At higit sa lahat, hinding-hindi kami magbibitiw sa kampanya. Ang Bawat isa sa amin ay magpapatuloy sa aming sariling kandidatura upang maging karapat-dapat na piliin ng sambayanang Pilipino,” aniya.
Nilagdaan ito nina Lacson, Pacquiao, Domagoso, at Gonzales. Gayunman, wala pa si Pacquiao sa presscon.
Samantala, nanawagan din si Yorme Isko na mag-withdraw na sa laban si Vice President Leni Robredo at lumutang ang hashtags na "#WithdrawLeni," at "SwitchToIsko".