Isang problemadong Alex Gonzaga ang dumating sa magarang bahay ni Small Laude para sana sa collaboration sa pagpapakita ng walk-in closet ng socialite-vlogger, subalit sa kalagitnaan ng kanilang pagre-record ay bigla na lamang napahinto at napaiyak ang TV host-vlogger.

Nang uriratin ni Small kung anong problema ni Alex, dito na inamin ng TV host-vlogger na may problema siyang kinahaharap, na hindi pa niya nasasabi sa kaniyang mister na si Mikee Morada, ateng si Toni Gonzaga, at sa kanilang mga magulang. Sa katunayan, nahuli sa pagdating si Alex sa call time nila dahil nga sa biglaang problemang dumating.

Ang emosyunal na si Alex ay 'naloko' umano ng kaniyang kaibigan na pinagkatiwalaan niya sa construction ng kaniyang property. Halos lumuwa ang mga mata ni Small Laude nang malamang ₱80M ang halaga ng na-swindle sa kaniya ng kaibigan.

"OMG Alex, anong ginawa mo… baka naman prank 'to, yaman-yaman mo eh," sabi pa ni Small subalit napaiyak na nga si Alex kaya naman naalarma na rin si Small.

Tsika at Intriga

11 na buwan sa kulungan: Ricardo Cepeda, pansamantalang nakalaya

Kinapalan na ni Alex ang kaniyang mukha kaya tinanong niya si Small kung puwedeng makautang sa kaniya. Sinabi ni Small na kailangan niya munang ikonsulta ito sa kaniyang mister na si Philip Laude. Maya-maya ay pumasok na rin sa eksena si Philip at inuntag si Alex tungkol sa pagkaka-swindle sa kaniya ng kaibigan.

"Ganyan din ako noon, ₱300K… end of the world na sa akin 'yon… hindi ka kasi matututo kapag hindi mo naranasan eh," sabi ni Philip. Pumayag ito na pautangin si Alex kahit ₱3M lamang.

Nabanggit ni Alex na hindi siya makakautang sa kaniyang ateng si Toni dahil wala raw kinikita ito sa kasalukuyan.

Nang kinukuha na ang checkbook, dito na naibunyag ni Alex na isang prank lamang ang lahat. Windang na windang naman ang mag-asawa sa 'kalokohan' ni Alex.

Nilinaw naman ni Small na baka akalain ng mga tao na nagpapautang sila kaya nilinaw niyang hindi sila nagpapautang at wala rin naman silang maipapautang.

Number 2 trending sa YouTube channel ang latest vlog na ito ni Alex na isang araw pa lamang naa-upload ay meron nang total views na 1,933,534 views.

'Wag daw kayo mangungutang kina Mam Small Laude icha-prank," caption ni Alex sa naturang vlog.