Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Dionardo Carlos na sinibak na sa kanilang puwesto at dinisarmahan ang anim na tauhan ng Caloocan City Police Station na isinasangkot sa umano'y insidente ng pagnanakaw na nag-viral pa noong Marso 27, 2022. 

Sinabi pa ni Carlos na inatasan na niya ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na magsagawa ng masusing pagsisiyasat sa insidente. 

“The involved personnel were immediately relieved so a fair investigation can proceed without any undue influence. They are now under restrictive custody, and disarmed of their service firearms,” aniya.

Ang anim na pulis ay nakilalang sina Cpl. Noel Espejo Sison,33; Cpl. Rommel Toribio, 29; Cpl. Ryan Sammy Gomez Mateo, 32; Cpl. Jake Barcenilla Rosima, 35; Cpl. Mark Christian Abarca Cabanilla, 31; at Cpl. Daryl Calija Sablay, 29,pawang nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Caloocan City Police Station. 

National

Habagat, magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa -- PAGASA

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naglalakad lamag ang biktimang si Eddie Acaso Yuson, 39, patungong Barangay 117 upang bumili sana ng pagkain ng kanyang pamilya nang isa sa mga suspek ang nagpakilalang pulis. 

Nahagip naman ng closed-circuit television (CCTV) camera na kinapkapan ng pulis at sinuri ang kanyang personal na gamit.

Makalipas ang ilang minuto, dumating ang isang puting pick-up truck na sakay ng lima pang ibang suspek. 

Sa alegasyon ng biktima, kinuha ng mga pulis ang kanyang ₱14,000 cash. Nitong Marso 30, in-upload sa social media ang naturang footage.

Hindi na rin umano interesado ang biktima na maghain ng reklamo sa pamamagitan ng affidavit nito sa Brgy. 118, ayon kay Chairwoman Jerrylyn Bolo. 

 Sa kabila ng kawalan ng interes ng biktima sa kaso, tiniyak ni Carlos na ipupursige pa rin ng PNP ang imbestigasyon laban sa mga isinasangkot na pulis sa pamamagitan ng Internal Affairs Service.  

Inihahanda na ang administrative complaint para sa grave misconduct at iba pang kaukulang kaso laban sa mga suspek. 

“We don’t want this isolated incident to tarnish the reputation of the entire organization. They will undergo the process of adjudication to ferret out the truth,” pahayag pa ni Carlos.