Mukhang nag-enjoy at tuloy-tuloy na ang live online selling ng dating 'Pinoy Big Brother' at 'It's Showtime' host na si Mariel Rodriguez dahil muli siyang sumalang sa pagbebenta ng mga branded at pre-loved items noong Marso 30.

Ang unang pagtatangka ni Mariel sa live selling ay noong Marso 15, na talaga namang naging matagumpay.

Syempre, nanood at buo ang suporta sa kaniya ng mister at tumatakbong senador na si Robin Padilla, na paminsan ay nagma-mine din, para bilhin at maitago ni Mariel ang mga items na talagang alam niyang gustong-gusto ng misis.

Bukod kay Robin, nanood din sa live selling ang aktres na si Aubrey Miles, at ang nag-iisang Megastar na si Sharon Cuneta na panay ang komento.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“Tuwang tuwa ako sayo bebe!!! Hahahaha ang cute mo!!!” komento ni Sharon. Dagdag pa niya, natututo raw siya sa panonood ng mga pinaggagagawa ni Mariel, na talaga namang kuwelang-kuwela sa kaniyang ginagawa.

"Awww, maraming salamat po, Mega. Thank you so much, Ma’am. Thank you so much, Inay," bulalas ni Mariel habang ibinebenta ang Louis Vuitton bag.

Inawat naman ni Mega si Mariel sa pagtawag sa kaniya ng 'Ma'am'. Inay na lang daw. Todo-pasalamat naman si Mariel sa ipinakitang suporta ni Ate Shawie na tinanong pa niya kung anong size ng paa.

Samantala, tuwang-tuwa naman si Sharon kay Robin na tinatawag niyang 'Kambal' dahil sa suportang ipinakikita nito sa misis.

Sinasabing ang napagbentahan sa mga pre-loved items ni Mariel ay gagamitin umano sa kampanya ni Robin bilang senador.