Inanunsyo ni Aksiyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na mananatili pa ring libre ang pagpasok sa Manila Zoo hanggang sa panahong fully functional na ito.

Ang anunsyo ni Moreno ay isinagawa nitong Linggo, kasabay nang paghikayat sa mga mamamayan na dalhin na sa Manila Zoo ang kanilang mga anak na nagkakaedad ng 5 hanggang 11 taong gulang upang maipasyal at mabakunahan na rin laban sa COVID-19.

“Pabakunahan ninyo ang mga anak ninyo sabay pasyal, para di na kayo magastusan. Libre, maaliwalas.Welcome po kayo sa Maynila,” ayon pa kay Moreno.

Muli rin namang tiniyak ni Moreno na umiiral pa rin ang ‘open policy’ sa pagbabakuna sa Manila Zoo, at maaaring magpabakuna doon ang mga bata kahit hindi sila residente ng lungsod.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Binati rin at pinasalamatan ni Moreno sina Manila Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at Parks and Recreation Bureau director Pio Morabe dahil sa maayos na pagdaraos ng COVID-19 vaccination sa bagong Manila Zoo.

Sa ngayon aniya, libu-libong indibidwal na ang nakapasok sa zoo kahit hindi kumpleto ang mga hayop na makikita dito.

Bukas ang zoo, mula 8:30 AM hanggang 6:00 PM upang makapag-accommodate ng mga vaccinees.

“Parami nang parami ang binubuksang pasilidad sa loob ng zoo. Kapag puno na at fully functional na, may bayad na kaya punta na habang libre pa,” ayon pa sa alkalde.

Samantala, sinabi ni Morabe na kabilang sa inaasahang makikita sa Manila Zoo sa sandaling natapos na ito ay ang sikat na elepante na si "Mali", mga leon, primates, mga ibon, puting Bengal tiger na pinangalanang “Kois,” isang Koi Garden, isang butterfly garden, isang reptile house at mga resting areas, gayundin ang mga Instagrammable spots, at iba pa.

Pangako naman ni Moreno, sa sandaling makumpleto na, ang bagong Manila Zoo ay maaaring ikumpara sa Singapore Zoo.