Pagkatapos ng kaniyang press conference noong Marso 28, 2022 ay sumalang naman si Ana Jalandoni sa 'The Interviewer' ni King of Talk Boy Abunda upang ilahad ang ilan sa mga detalye tungkol sa kanila ng nobyong si Kit Thompson, kung saan umere na ang part 1 nitong Abril 2, 2022.

Kasama ni Ana ang kaniyang abogado na si Atty. Faye Singson, na sumama rin sa kaniya sa press con.

Diretsahang tinanong ni Boy kung paano sila nagkakilala ni Kit. Pag-amin naman ni Ana, una raw nagpadala ng mensahe sa kaniya ang aktor sa pamamagitan ng isang emoji. Aminado rin siya na naghahanap talaga siya ng date dahil single siya ng mga panahong iyon, noong Oktubre 2021.

Inakala pa nga raw niya na 'gay' ito kaya hindi muna siya nag-follow back, pero nang sabihin daw ng kaniyang kaibigan na straight ito, finallow back.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

Matapos ang ilang linggo, nagkasundo na raw silang dalawa na magkita. Si Kit umano ang pinapunta niya sa kaniyang bahay dahil hindi natuloy ang pagbabakasyon sana nila sa Siargao.

Kung ilalarawan, madaldal daw si Kit at naging malalim ang kanilang mga kuwentuhan tungkol sa kanilang mga dating nakarelasyon o ex.

Inamin naman daw ni Ana, at aware naman si Kit, na may ex-husband na siya. Batay sa press conference, ito raw ang naging ugat ng pagseselos ni Kit na humantong nga sa bugbugan. Pinagbantaan umano siya ni Kit na papatayin siya kapag iniwanan niya ito.

Ang 'ex-husband' na binabanggit ni Ana ay si Renan Morales, isang politiko mula sa Nueva Ecija, na pinakasalan niya sa Amerika noong 2017. Halos isang taon lamang daw ang itinagal ng kanilang relasyon. Aniya, biglaan daw ang naging pagpapakal nila. Mahal daw niya ito noong ikinasal sila subalit marami raw silang naging isyu sa isa't isa.

“2018 January naghiwalay na kami. Ako yung nang-iwan. Hindi talaga siya sinet na kasal sa Amerika. It’s a surprise wedding. Nandoon kami for vacation, and then sabi niya, ‘Pakakasalan na kita.’ Kinabukasan, ikinasal na kami.

"Noong kinasal kami, mahal ko siya, pero kasi meron na kaming issues eh. Gusto ko nang umalis sa kanya. Gusto ko nang makipaghiwalay sa kanya, and he knows that," saad ni Ana.

Habang tumatagal daw ay napapansin na ni Ana ang kakaibang temper ni Kit kapag hindi nito nagustuhan ang sinabi niya. Mabilis daw mag-init ang ulo nito.

"Meron akong naalaala na on the way to Pampanga, sa bahay nila, nakainom din kami. Mahilig kaming mag-play role. Nag-aano lang kami ng play role ng iba-ibang karakter, kasi parang 'yun ang bonding namin…

"Kasi papunta kami ng Pampanga, naglolokohan kami about ex, ganyan-ganyan. Nabanggit ko yung ex ko is from Nueva Ecija. Sabi ko, 'Sige na nga, ihatid mo na lang ako sa Nueva Ecija.' Pero, masaya kami nito, ha?"

"Nagalit siya sa akin. Doon ko na nakita na may pagka-agresibo siya. Kapag hindi niya nagustuhan ang sinabi mo, nagagalit siya nang mabilis."

Naibahagi rin ni Ana na minsan na natutukan na rin umano siya ng kutsilyo ni Kit, nang minsang magbiro siya tungkol sa kaibigan nito. Biniro kasi ni Ana na puwede raw niyang i-date ang kaibigan ni Kit na parang may bet sa kaniya. Biruan ang mood nila noon ng nobyo kaya laking gulat niya nang bigla itong magalit sa kaniya.

Alam naman daw ni Ana na may problema sa anger management si Kit. Noong pumasok si Kit sa PBB Teen edition noong 2012, isa ito sa mga isyu na naibahagi niya kay Kuya. Hanggang sa ma-evict siya at makalipas ng ilang taon ay pinasok na ang mundo ng showbiz.

&t=1105s

Samantala, hanggang ngayon ay tahimik pa rin si Kit hinggil sa isyu. Siya ay pansamantalang nakalaya sa pamamagitan ng piyansa.