May teyorya ang showbiz commentator na si Cristy Fermin kung bakit halos hindi ganoon karami ang mga celebrity na sumusuporta sa kampanya ni Presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno.

“Nagtataka ngayon ang marami kung bakit sa Mayor Isko Moreno ay wala man lang artistang kasama sa kanyang pangangampanya samantalang siya ay kabilang sa ating mundo, sa ating industriya,” pagbubukas ng usapan ni Fermin sa isang episode ng kanyang talk show sa YouTube.

Teyorya ng veteran showbiz insider, tila nagkaroon daw ng lamat ang relasyon ni Isko sa ilang kasamahang artista dahil sa maaaring hindi naging magandang pakikisama nito sa kanila.

“Siguro walang naniniwala na mananalo siya. Ganun ‘yun eh, bandwagon yun eh, ‘di ba,” dagdag ni Fermin.

Tsika at Intriga

Nadia Montenegro sa paglaya ni Ricardo Cepeda: 'Finally, an innocent man is free!'

Napabalita din umano ang pagsama ng artistang si Jay Manalo sa isang caravan ni Isko sa Maynila na ani Cristy ay maaaring hindi natagalan ng aktor dahil mainipin umano ito.

“Nakakapagtaka rin ‘yung mga ka-industriya niya, hindi siya sinasamahan sa laban. ‘Di ba? Siguro may mga bitbit silang mga alaala na hindi kagandahan mula at tungkol kay Isko Moreno o baka naman siya mismo ang ayaw na magsama ng artista dahil naniniwala siya na hindi artista ang dahilan ng kanyang pananalo,” pagpapatuloy ni Fermin.

Tila binanatan naman ng host ang alkalde sa sunod na patutsada nito sa ideyang nabuo ni Fermin naniniwala itong mananalo siya nang walang maraming suporta mula sa mga artista.

“Ang layo nga ng tingin niyo mayor. ’Yung mga tao mismo na nakatulong sa’yo ng sandamakamak na dahilan at paraan, hindi niyo nga naalala,” tirada niya sa alkalde.

“Hindi tayo bago sa kuwentong ganito. Kung papano ang mga tao na tumulong sa kanya nung pumasok siya sa pag-aartista; yung mga may hawak ng susi, ano pinapansin mo ba o tinutulungan mo? ‘Di ba dinededma mo nga? Eh sinong artistang sasama sa’yo? Sa totoo lang, ang dami mong nakalimutan,” patutsada ni Fermin sa alkalde.

Dagdag niya, “benggador pa naman ‘to si Mayor Isko. Saka may kayabangan ‘to. Salita nang salita nang walang direksyon.”

Hindi rin nakaligtas kay Fermin ang patutsada ni Isko sa 203-B halaga ng estate tax na nais nang pabayaran ng Bureau of Internal Revenue sa mga Marcos.

“Mayor Isko hayaan mo na sambayan ang maningil, ‘wag ikaw. Nakakaloka ka lahat na lang!” tirade ng talk show host.

Matatandaang sa larangan ng showbiz unang nakilala si Isko kung saan isa siya sa mga orihinal na cast ng That's Entertainment.