Unkabogable ang sorpresa at birthday celebration ng 'It's Showtime' family para kay Vice Ganda ngayong Sabado, Abril 2, 2022, na agad na nag-trending sa Twitter.

Syempre, hindi naman papalampasin ni Vice na hindi siya makapagbigay ng kakaibang 'chukug na chukug' na performance para sa kaniyang mga tagahanga at tagasuporta.

Nagbigay rin ng mensahe sa kaniya ang mga kaibigan, kasamahan, at boss sa ABS-CBN. Isa na rito ang batikang direktor at managing head ng ABS-CBN Film Productions, Inc. na si Direk Olivia 'Inang' Lamasan.

Ayon kay Direk Olive, kung si Dolphy raw ang Comedy King at si Ai Ai Delas Alas naman ang Comedy Queen, si Vice Ganda naman daw ay both. Siya raw ang 'Comedy King and Queen'.

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

Dinalaw naman siya ng kaniyang nanay-nanayan na si Diamond Star Maricel Soriano. Nagkatrabaho sila sa pelikulang 'Girl Boy Bakla Tomboy' ng Star Cinema.

May birthday post naman si Meme sa kaniyang Instagram noong Marso 31, 2022.

"46. Maganda. Malusog. Maligaya. Matagumpay. Masagana. May minamahal. May nagmamahal. Aarte pa ba!" aniya. Bumaha ng pagbati mula sa mga kaibigan at kasamahan sa showbiz gaya nina Ogie Alcasid, Yeng Constantino, Ivana Alawi, Nicole Cordoves, Alex Gonzaga, Ruffa Gutierrez, Sarah Lahbati, at marami pang iba.

Screengrab mula sa IG/Vice Ganda

Kinakiligan naman ang sweet birthday message ng mister niyang si Ion Perez.

“Araw-araw naman niyang naririnig [mula] sa akin ito kasi sa tuwing magdarasal kami, lagi kong ipinagdarasal talaga na bigyan pa kami ng mahabang panahon para magsama,” pahayag ni Ion.

“At siguro, ang masasabi ko sa ‘yo, babe, paulit-ulit kitang pipiliin. Kahit sa kabilang-buhay, baka ikaw yung piliin ko pa rin. Ang maipapangako ko lang, yung buong pusong pagmamahal ko sa ‘yo at tapat."

“Yun lang, babe.Thank you, babe, I love you," sey pa nito.

Matatandaang isang araw bago ang pagdiriwang ng Valentine's Day ay may unkabogable pasabog sina Vice Ganda at Ion sa kaniyang latest vlog, kung saan inamin niyang ikinasal na sila noong Oktubre 2021 sa Las Vegas, USA.

Kung babalikan, nagkaroon ng concert tour si Vice noong Oktubre at kasama niya rito si Ion. Napabalita ang kanilang kasal subalit wala naman silang kinumpirma tungkol dito, bagama't paminsan ay 'asawa' na ang pakilala ng comedy star kay Ion.

Ngunit nitong Pebrero 13 ay ibinuking na nga ni Vice na totoo ang mga bulung-bulungan noon pa man. Ginanap ang kanilang kasal sa The Little Vegas Chapel. Legal ang pagpapakasal ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa US.

Mayo 2018 nang unang magkrus ang mga landas nina Vice at Ion sa programa niyang night talk show na 'Gandang Gabi Vice.' Si Ion ay kontesero sa mga pageants.

Napabilang si Ion sa It's Showtime bilang 'Kuya Escort' sa segment na 'Miss Q&A' noong Setyembre. Simula noon ay napabalita na ang pagde-date ng dalawa.

Oktubre naman ng taong 2019 nang kumpirmahin ng dalawa ang kanilang relasyon, sa pamamagitan ng kanilang 'Magpasikat'.