Walang takot na hinarap ni Herlene 'Hipon Girl' Budol ang mga masasakit na komento at paratang sa kaniya ng mga netizen na madalas umanong ibato sa kaniya.

Naging prangka si Herlene Budol, o mas kilala sa tawag na Hipon Girl, tungkol sa nasty at hate comments na ipinupukol sa kanya ng bashers.

Herlene Budol at Angelica Yap (Screengrab mula sa YT/Herlene Budol)

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Sinagot ni Herlene na isa nang ganap na Kapuso, ang mga pinakamasasakit na intriga sa kaniya, sa kaniyang vlog noong Marso 23, 2022 kasama si Angelica Yap, na nakilala naman bilang si 'Pastillas Girl' sa 'It's Showtime' na siyang ipinantapat noon ng noontime show sa 'Kalyeserye' ng 'Eat Bulaga' na nagsilang sa tambalang 'AlDub' nina Alden Richards at Maine Mendoza.

Isa sa mga ipinupukol sa kaniya ay ang "Maganda ka sana kaya lang bobita ka."

Bagay na prangka namang sinagot ni Herlene na totoo ito, at sabi niya, hindi naman siya naaapektuhan dahil alam daw niyang totoo ito. Lahat naman daw ay napag-aaralan. Gusto na lamang daw niyang tawaging bobo dahil nangangahulugan itong willing pa siyang matuto ng mas maraming bagay.

“Level 1 pa lang ako. So, ang dami ko pang hindi alam. Pero sa ganda, salamat. Ikaw ang bukod-tanging nagsabi niyan. Saka tatay ko," pabirong sey ni Hipon Girl.

Ngunit pinalagan naman niya ang paratang sa kaniya na "Siguro kaya tinanggal ka sa Wowowin dahil nilaspag ka na ni Kuya Wil.” Aniya, wala itong katotohanan, at hindi rin totoo ang bintang na ginagawa rin ito ng batikang TV host sa ibang mga dancer na nakakapasok sa show.

“Grabe naman. Napakasama naman ng mga ugali n'yo. Nalaspag, hindi naman. Iyan yung gusto kong linawin din. Sabi kasi nila, lahat daw ng pumapasok kay Kuya Wil, tinitira ni Kuya. Lilinawin ko, napakabait ni Kuya Wil. Napakasama n'yo naman. Huwag naman ganoon. Tumutulong na nga sa kapwa tao eh,” depensa ni Herlene kay Kuya Will o si Willie Revillame.

Malaki umano ang utang na loob ni Herlene kay Kuya Wil dahil ito ang nag-build up sa kaniya.

"Kung walang Kuya Wil, walang Hipon sa inyong harapan, kaya huwag kayong magsasabi ng hindi n'yo pa alam ang buong istorya. Doon ako natuto kung paano ako makikapwa-tao. Halos kalahati ng utak ko siya yung nag-ambag. Talagang love ko siya as a tatay. Kumbaga, tatay ko siya sa showbiz, eh."

Nilinaw rin ni Herlene na hindi siya ganoong klaseng babae.

Inamin din ni Herlene na sumasabak na siya sa training para sa beauty pageants pero marami pa raw siyang kakaining bigas.