Makakaharap muli ng Ginebra ang Meralco sa PBA Season 46 Governors' Cup Finals.

Ito ay nang padapain ng Bolts ang Magnolia, 94-81 sa Game 5 ng kanilang best-of-five semifinal round sa Smart-Araneta Coliseum nitong Biyernes ng gabi.

Kumana si Allein Maliksi ng 24 puntos, kabilang ang anim na tres at dinagdagan pa ng tatlong rebounds at isang steal habang si Raymond Almazan ay nakaipon ng 18 puntos at limang rebounds.

Kumubra naman si Chris Newsome ng 17 puntos, 12 rebounds habang si Aaron Black ay nakapagtala ng 16 puntos at limang rebounds.

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

Sinamantala ng Meralco ang pagkawala ni Magnolia import Mike Harris na nagpahinga sa kaagahan ng laro dahil sa injury nito.

Ito na ang ika-apat na beses na lalabanan ng Meralco ang Gin Kings sa Governors' Cup Finals sa loob ng anim na taon, tampok ang pag-kampeon ng huli noong 2016, 2017 at 2019.