Natanong na naman ang action star na si Jeric raval tungkol sa espesyal na ugnayan ng anak na si AJ Raval at Aljur Abrenica, sa ginanap na media conference at red-carpet screening ng pelikulang 'Buy Bust Queen', na isinagawa sa One Mall Sky Theater sa Valenzuela City, noong Marso 23, 2022.

Natanong ng Philippine Entertainment Portal o PEP kay Jeric kung kumusta na ba ang dalawa, lalo't ang huling intrigang naipukol sa kanila ay nang mamataan silang magkasama sa isang hotel sa Leyte, sa mismong araw ng mga Puso.

Agad namang dumipensa si Aljur tungkol dito.

Ayon kay Jeric, 'nagmamahalan' daw sina AJ at Aljur kaya wala siyang karapatang hadlangan ang kasiyahan ng dalawa.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Nauunawaan naman daw ni Jeric ang sitwasyon ni Aljur ngayon, na 32 anyos. Si AJ naman ay 21.

"Basta nasa ayos lang ang lahat. Nagkausap na naman kami. Una ko siyang nakausap sa PDEA office. Mayroon kaming presscon noon at the same time pictorial din. Hinatid niya ang anak ko doon, nakipag-usap naman siya sa akin. Lalaki namang kausap yung tao, mabait naman," sey ni Jeric.

Tinanong daw niya nang diretsahan si Aljur kung hiwalay na ba sila ng misis niya at kung ano ang plano nito sa anak niyang si AJ.

"Sabi niya, nagmamahalan daw sila. 'Eh, di magaling,' sabi ko. Yung tipikal na tinatanong ng isang ama."

Pero kung tatanungin daw si Jeric, syempre, mas gusto raw niyang binata, 'walang sabit', o walang pananagutan sa ibang babae ang jojowain ng anak. Nasasaktan daw siya kapag sinasabihang 'kabit', 'kerida', o 'other woman' ang anak niya.

"Una kong reaksiyon, ama ako, eh siyempre gusto natin lagi sa anak natin yung the best, 'di ba? You will have a better life kung iba ang manliligaw sa iyo. Hindi ka mapipintasan ng tao, hindi ka maba-bash. Hindi ka tatawaging 'kabit'", aniya.

"Kaya lang, that's life. Tao lang ang mga iyan, nagmamahalan. Sa akin naman, walang masamang tinapay."

Dedma na lamang daw si Jeric sa mga basher at hater.

"Masakit, siyempre, nasasaktan ako. Siyempre, inaalagaan ko ang anak ko, pinalaki ko nang maayos. Pag naririnig ko ang mga 'yun, pasok na lang dito, labas na lang dito. Buti nga wala akong social media, eh. Wala akong Facebook, wala akong lahat, ni Instagram.

"Sabi ko nga sa anak ko, 'Yung relasyon ninyo, anak, sa ayaw at sa gusto mo, damay ako diyan.'"

"Laging mababanggit ang pangalan ko. Laging tatanungin, 'Ano ang reaksyon mo? Ano ang payo mo?'

"Sinasabi ko sa kanya lagi, lalo na doon sa lalaki, kailangan lahat nasa tama, nasa ayos," pagbabahagi pa ni Jeric.

Matatandaang una nang nagbigay ng reaksyon si Jeric tungkol sa isyu sa kasagsagan ng pag-uugnay kina AJ at Aljur, noong mainit pa ang usapin ng paghihiwalay nina Aljur at estranged wife na si Kylie Padilla.

Aminado si Jeric na nahiya siya sa ama ni Kylie, kaibigan, at kapwa action star na si Robin Padilla nang pumutok ang isyung kinasangkutan ng anak.

Nilinaw naman ni Kylie na hindi si AJ ang dahilan ng kanilang paghihiwalay ng estranged husband na si Aljur, at malinaw daw ang usapan nila na malaya na silang makipag-date sa kahit na kaninong magugustuhan nila.

Samantala, wala pang tugon o reaksyon sina AJ o Aljur sa pag-amin na ito ni Jeric hinggil sa kanilang 'pagmamahalan'.