Nagsagawa ng lunchtime transport strike ang mga jeepney driver sa Maynila upang manawagan sa gobyerno na ibasura na ang oil deregulation law sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa dulot ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Kabilang sa lumahok sa protesta Pedro Gil, Maynila ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at Pinagkaisang Ugnayan ng mga Magsasaka sa Laguna (PUMALAG) at iba pang samahan ng mga manggagawa sa bansa.
Ito ang unang protesta ng Piston ngayong taon na nagsimula dakong 12:00 ng tanghali hanggang 2:00 ng hapon.
Bukod dito, umapela rin ang mga ito sa pamahalaan na suspindihin muna ang fuel excise tax upang hindi na magtuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Pagbibigay-diin pa ng grupo, umpisa pa lamang ito ng kanilang protesta hangga't hindi umaaksyon ang pamahalaan inilatag nilang usapin.
Kamakailan, nagtaas ng P13.15 sa presyo ng kada litro ng diesel at P7.10 naman sa kada litro ng gasolina at isinisi ang ikinasang price adjustment sa pandaigdigang merkado na bunsod ng patuloy na digmaan sa Ukraine.