Tila hindi pa natatapos sa kanyang pagpapasaring ang veteran showbiz columnist na si Manay Lolit Solis at muli nitong binanatan si Kapuso actress Bea Alonzo.

Ito’y kasunod pa rin ng umano’y pagpatatanggal ng aktres sa listahan ng media conference kay Manay Lolit at pampa-power trip nito sa nabanggit na insidente. Gayunpaman, natatawa na lang umano ang batikang showbiz writer sa mga nagtatanggol pa sa aktres.

“Kaloka na inisip nila na baka umiiyak tayong 3 nila Gorgy dahil pina cancel tayo ni Bea Alonzo sa press launch ng Beautederm,” saad ni Manay sa kanyang Instagram nitong Huwebes, Marso 24.

Hindi naman ito nagpigil ng salita at sinabing “malapit nang maging senior” ang aktres.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

“Congratulations kay Bea na at her age na malapit nang maging senior ay nakuha parin siyang endorser ng Beautederm. Mabait talaga si Rhea Tan dahil siguro naisip niya na pag nakita na sa edad ni Bea Alonzo maayos parin ang skin at medyo natatago pa ang wrinkles bibili ng maraming Beautederm ang mga kasing edad ni Bea Alonzo.”

Muli rin nitong inungkat ang kontrobersyal na panggo-gost ng ex-boyfriend ng aktres na si Gerald Anderson.

“We also understand ang emotional situation ni Bea, siyempre ang hirap talagang makalimutan na ghosting ka sa mas bata at magandang ipinalit sa iyo ng BF mo. Kaya no harm done, Ok lang sa amin na ayaw niya makita ang mga faces namin nila Gorgy at Salve,” aniya.

Ito’y sa kabila ng pagkakaroon na ng kani-kanilang lovelife ang dalawa, si Bea kay Dominique Roque at si Gerald, kay Julia Barretto.

“No bad blood, tuloy ang ikot ng mundo. Tuloy ang eleksiyon. Walang nawala, ganuon parin ang takbo ng buhay nila Gorgy at Salve. At habang may Kdrama, hindi iinit ang ulo ko, tatawanan ko lang lahat. At hintayin ko na lang launching ni Bea Binene, sure ako ma invite kami duon , hah hah hah!#classiclolita.”

Nitong Biyernes, Marso 25, isang Instagram post muli ang laan ni Manay Lolit sa aktres. Ngayon, nais niya namang makitang gumanap ng isang "nanay" na karakter si Bea.

"Ang ganda siguro ng casting pag si Bea ang magiging mother ng mga new star. Sa edad naman ni Bea Alonzo bagay na talaga siyang gumanap ng mother role, at sa husay niyang artista, tiyak na makaka-grand slam siya sa role ng isang martir na nanay," ani Manay Lolit.

Nanatili namang dedma si Bea sa mga serye ng patutsada ng batikang commentator.