Isa sa mga napag-usapan nina Cristy Fermin at mga co-hosts na sina Romel Chika at Morly Alinio sa pinakabagong showbiz vlog ng una na 'Showbiz Now Na' ay kung bakit nga ba nagkalamat ang pagkakaibigan nina Queen of All Media Kris Aquino at Comedy Concert Queen Ai Ai Delas Alas.

Matatandaang napabalita na kahit hindi sila masyadong nag-uusap ngayon, hangad ni Ai Ai na sana ay bumuti na ang kalagayan ng kaniyang 'friendship' na si Krissy.

Chika ni Cristy, ang puno't dulo raw ng kanilang 'tampuhan' ay ang dating mister ni Kris at ama ni Bimby na si James Yap.

“Noong mga panahon na nagkakaroon ng problema si James Yap at saka si Kris Aquino, ang tinatawagan palagi ni Kris, si Ai-Ai," ani Cristy sa kaniyang co-hosts.

Tsika at Intriga

Chloe San Jose, mas pinipiling maging 'authentic' na tao kaysa people-pleaser

"Di ba sa best friend tayo naglalabas ng ating emosyon, nanghihingi ng payo at naghihingi ng opinyon kung ano ang ating gagawin, para matapos ang problema,” sabi pa ni Cristy.

At itong si Ai Ai, kesyo mas marami na raw itong karanasan tungkol sa ganyang bagay, ipinayo umano nito kay Krissy na kung hindi na siya masaya sa relasyon nila, 'isauli' na lamang si James sa nanay nito.

Nang magkabati raw sina Kris at James, nabanggit daw ni Kris ang mungkahi ni Ai-Ai na ibalik na lang si James sa kanyang magulang.

“Sinabi niya iyon, ni Kris, noong magbati na sila ni James Yap na, ‘You know what, si Ai-Ai, she told me na ibalik na lang kita sa nanay mo,’” wika ni Cristy.

Sey naman ni Morly, parang nilaglag daw ni Kris si Ai-Ai. “Parang nilaglag ni Kris si Ai-Ai Delas Alas.”

“Exactly. Ang nangyari, noong sabihin niya kay James Yap na ipinasasauli na siya sa pamilya niya, tinawagan ni James Yap si Ai-Ai.. Galit si James Yap. Natural…" sey pa ng kolumnista.

Kinompronta umano ni James Yap si Ai Ai kung bakit ganoon daw ang naging mungkahi niya kay Kris. Kinuwestyon din umano ni James kung bakit daw nangingialam si Ai Ai sa problema nila ni Kris.

Sey naman daw ni Ai Ai, si Kris ang tumatawag sa kaniya at nagsasabi ng problema at hindi raw siya ang nauunang mang-urirat dito. Nagalit daw si Ai Ai rito.

Kuwento naman ni Morly, nagkita raw sa isang parking lot sina Kris at Ai Ai at doon umano nangyari ang 'sumbatan'.

Saad naman ni Cristy, sana raw ay hindi na sinasabi o inililipat sa ibang tenga ang problemang mag-asawa. At kung ano raw sana ang sinabi ng kaibigan bilang pagko-comfort, dapat din daw ay hindi sinasabi sa nakaaway nito.

At sa pagkakasakit ni Kris, muling nauungkat ang isyu sa pagitan nilang dalawa.

Nabanggit naman ni Cristy kung gaano kabuti ang puso ni Ai Ai. Marami raw siyang napagtapos na mga mag-aaral sa pagkapari sa pagiging iskolar ng mga ito.

Dapat daw ay magsasama sa isang proyekto ang dalawa subalit dahil sa mga nangyari ay napurnada na ito. Matatandaang silang dalawa ang mga orihinal na hurado ng 'Pilipinas Got Talent' at nagsama pa sila sa pelikulang 'Sisterakas' kasama si Vice Ganda.

Samantala, wala pang tugon sina Kris at Ai Ai tungkol dito.