Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong Lunes, Marso 21 ang isang batas na nag-aamyenda sa Public Service Act (PSA) — na nagpapahintulot sa hanggang 100% foreign ownership ng mga serbisyo publiko sa bansa.

Ang Republic Act (RA) No. 11659 o An Act Amending Commonwealth Act No. 146 o mas kilala bilang Public Service Act as amended ay nilagdaan ni Duterte sa isang seremonya sa Rizal Hall, Malacañan Palace sa presensya ng mga mambabatas at iba pang opisyal. .

Sa ilalim ng na-amyemdahan na PSA, ang mga industriya ng telekomunikasyon, riles, expressway, paliparan, at pagpapadala ay ituturing na mga serbisyo publiko, na nagbibigay-daan sa hanggang 100 porsiyentong dayuhang pagmamay-ari sa mga sektor na ito.

Pinangunahan din ni Duterte ang ceremonial presentation ng mga bagong naisabatas na batas tulad ng RA 11647 na nag-amyenda sa Foreign Investments Act; RA 11650, na nagsisiguro ng inclusive education para sa mga mag-aaral na may mga kapansanan; at RA 11648, na nagpapataas ng edad para sa pagtukoy ng statutory rape mula 12 hanggang 16 na taong gulang.

National

Sen. Go, sinamahan si FPRRD sa regular check-up: ‘Kahit going 80 na, hindi naman halata!’

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan niya ang Kongreso para sa napapanahong pagpapatibay ng inamyenda na PSA, at binanggit na tutulong ito sa bansa sa pangunguna sa landas tungo sa pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng pandemyang Covid-19.

"I believe that through this law, the easing out of foreign equity restrictions will attract more global investors, modernize several sectors of public service and improve the delivery of essential services," ani Duterte.

Aniya, ang inamyendahan na PSA at inamyenda na Foreign Investments Act ay parehong makakatulong sa pagpapasigla ng ekonomiya, lalo na para sa mga lokal na negosyo.

Dagdag pa ni Duterte, inaasahan din niya na makakalikha ito ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino, mapabuti ang mga pangunahing serbisyo para sa publiko, at magbibigay-daan para sa pagpapalitan ng mga kasanayan at teknolohiya sa mga dayuhang kasosyo ng bansa.

Ang RA 11647 o ang binagong Foreign Investments Act ay nagluluwag sa mga paghihigpit sa dayuhang pamumuhunan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga dayuhang mamumuhunan na mamuhunan sa isang lokal na negosyo hanggang sa 100% ng kapital nito.