Itinakda na ng Department of Education (DepEd) ang pagdaraos ng early registration sa mga pampublikong paaralan sa bansa para sa School Year 2022-2023.

Batay sa Memorandum No. 017, series of 2002, na inisyu ng DepEd at may petsang Marso 21, 2022, nabatid na ang early registration ay idaraos simula sa Biyernes, Marso 25, hanggang April 30, 2022.

“In preparation for the incoming class opening, DepEd announces that the Early Registration for SY 2022-2023 shall be conducted from March 25 to April 30, 2022, nationwide,” bahagi pa ng memorandum ng DepEd, na inilabas nitong Lunes ng gabi.

Layunin anila nitong mabigyan ng pagkakataon ang DepEd na makapagsagawa ng kaukulang paghahanda at adjustment sa kanilang mga plano para sa darating na School Year.

Eleksyon

Vendor, kakandidatong senador; nanawagan ng tulong para sa anak na may rare disease

Anang DepEd, ang naturang pre-registration ay para sa estudyanteng papasok sa Kindergarten, Grade 1, 7 at 11.

Ang mga mag-aaral naman na nasa Grades 2 hanggang 6, 8 hanggang 10 at Grade 12 ay hindi na kailangang lumahok sa pre-registration dahil sila ay ikinukonsidera na ng DepEd na rehistrado na.

Kaugnay nito, hinikayat rin ng DepEd ang mga pribadong paaralan na magsagawa din ng pre-registration sa parehong petsa.

Bunsod naman ng kasalukuyang COVID-19 public health emergency, inihayag rin ng DepEd sa memorandum na kung may mga lugar na maisasailalim sa Alert Level 3 hanggang 5, ang pre-registration ay dapat gawin remotely.

Sa mga lugar naman na nakasailalim sa Alert Level 1 at 2, maaaring magsagawa ng in-person registration ngunit kailangang matiyak na nasusunod ang physical distancing at health and safety protocols para maiwasan ang posibleng hawahan ng COVID-19.