Tila hindi kumbinsido si “Kuya Kim” Atienza sa mga paandar ni Rudy Baldwin kaugnay ng mga pangitain nitong sakuna sa bansang Japan matapos ang deadly 7.3 magnitude na lindol noong Miyerkules.

Si Baldwin ay isang kilalang online personality na kaya umanong hulaan ang mga magaganap sa hinaharap. Matapos kumitil ng nasa apat na buhay ang Fukushima quake nitong Miyerkules, agad na naglabas ng dagdag na mga pangitain si Baldwin.

Makikita sa kanyang Facebook post gabi ng Miyerkules ang resibo ng kanya umanong paghula sa naganap na lindol. Kasunod nito, muling nagpaalala si Baldwin sa mga naninirahan sa Japan.

"Mga taga-Japan dapat kayo maging handa dahil makaranas pa kayo ng mas malakas na lindol at pag eruption ng bulkan .hindi lang ito ang nakita ko sa vision ko na lindol. Meron pang mas malakas at kahit pagtaas ng tubig ay aking nakikita gaya ng sinabi ko sa nakaraang vision, ang mahalaga ay maging maingat ang lahat. Lagi natin tandaan na ang dios ang makapangyarihan sa lahat. Iba ang hamon ng kalikasan sa taong 2022 gaya ng sinabi ko sa 2022 prediction na ang taong ito ay isa ang year of disaster na mararanasan nati,” saad ni Baldwin.

Mga Pagdiriwang

Paskong Pilipino, pinakamahabang kapaskuhan sa buong mundo

Gayunpaman, tila may paalala pa rin siya sa kanyang mga tagasunod.

“Nasa sa inyo ang paniniwala ang mahalaga naging maingat at manalangin palagi. Ulitin ko, kailangan natin manalangin ng taimtim dahil sa Panginoon ay walang imposible kung totoo tayong naniwala sa kanya. Maging maingat,” aniya.

Tila hindi naman kumagat ang trivia master, dating weather forecaster at ngayo’y Kapuso host na si Kuya Kim sa mga pangitaing ito ni Rudy. Ibinahagi kasi nito ang Facebook post ni Baldwin kalakip ay paliwanang ng siyensa sa likod ng posibleng sakunang mararanasan ng bansang Japan.

"Ito po si Kuya Kim na may blue check. Mga taga-Japan magkakaroon kayo ng maraming lindol dahil kayo ay nasa earthquake belt. May vision din ako ng volcanic eruption dahil kayo ay nasa Pacific Ring of Fire. Magkakaroon din ng malakas na bagyo dahil kayo din ay malapit sa typhoon belt," mababasa sa caption ni Kuya Kim na tila pambara sa mga pangitain umano ng online personality.

“Mag-ingat din sa pagkain ng sashimi na hindi sariwa magkakaroon kayo ng LBM (loose bowel movement). Mag ingat mag ingat. Back to you guys,” ani pa ng trivia master.

Matatandaang naging usap-usapan din kamakailan ang umano’y paghula ni Baldwin sa hidwaang nagaganap sa Europa.

Basahin: Vision ni Rudy Baldwin tungkol sa kaguluhan sa Europa, nagkatotoo nga ba? – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid