Matapos ang ilang buwang espekulasyon, sa wakas, nauwi rin sa kumpirmasyon ang relasyon nina Ruffa Gutierrez at Herbert “Bistek” Bautista. Sa isang Instagram post, proud girlfriend ang peg ng aktres kasunod ng isang pinakahuling senatorial survey.
Hindi na nga nagpatumpik-tumpik pa at nilantad na ng actress-host na si Ruffa ang espesyal na ugnayan nila ng dating Quezon City Mayor at ngayo’y senatorial aspirant sa darating na botohan sa Mayo.
Sa isang Instagram post, ibinalandra ni Ruffa ang kanilang larawan at bidyo ng kampanya ni Bistek para sa kanyang senatorial bid. Unang beses ring nakapasok sa Magic 12 ng isang survey si Bistek dahilan para agad i-flex ni Ruffa.
“#8sa balota, #1sa puso ko! ????#MySenatorMadeItToTop12,” mababasa sa caption ni Ruffa.
Inulan naman ng heart reactions mula sa malalapit na kaibigan at kapamilya ang pa-dyowa reveal ng aktres.
Matatandaan na unang naging laman ng balita ang relasyon ng dalawa matapos tila depensahan ni Ruffa si Bistek sa pagsita ni Kris Aquino kaugnay ng isang kontrobersyal na TOTGA o “the one that got away” tweet nito noong Nobyembre 2021.
Naging matunog pa lalo ang espesyal na ugnayan ng dalawa nang mamataan sa Christmas celebration ng mga Gutierrez ang actor-politician noong Disyembre 2021.
Ayon sa showbiz commentator na si Cristy Fermin, suportado naman ng pamilya ni Ruffa ang bagong lovelife nito.
Sa katunayan, natutuwa umano si Anabelle Rama kay Bistek dahil magandang impluwensya ito sa anak, partikular ang paghikayat nito na mag-enrol sa isang online class. Libro rin umano ang parating bitbit ng aktor sa tuwing bumibisita sa tahanan ng mga Gutierrez.
Basahin: Herbert, magandang influence kay Ruffa, sey ni Annabelle Rama – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid
Taong 2020 nang magkatrabaho ang dalawa sa comeback project ng Kathniel na "The House Arrest of Us." Nagtambal na mag-asawa ang dalawa sa naturang serye.