Usap-usapan ngayon ang 'Toni Talks' ni Toni Gonzaga, tampok ang dating housemate ng 'Pinoy Big Brother Otso' noong 2019, at ngayon ay character actress na si Hasna Cabral, kaugnay ng pagdiriwang ng International Women's Month.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/03/17/hasna-cabral-kinaawaan-lang-daw-ng-asawa-kaya-pinakasalan-dahil-sa-pagiging-single-mom/

Habang isinusulat ito, nasa 1,145, 726 views na ang vlog ni Toni na may 5.22M subscribers, at nasa number 4 trending spot ng YouTube.

Ayon kay Toni, bagama't hindi pinalad na masungkit ang titulong 'Big Winner', hindi naman daw niya malilimutan ang kuwento ni Hasna. Naibahagi ni Hasna ang pagkakaroon niya ng dalawang anak na may special needs sa dalawang magkakaibang nakarelasyon na aniya ay pawang 'failed relationship'.

Relasyon at Hiwalayan

Kobe Paras, naka-three point shot na ba sa puso ni Kyline Alcantara?

Isang araw daw ay may dumating na isang lalaki na nag-alok sa kaniya ng kasal at handang tanggapin ang kaniyang mga anak na parehong may special needs. Naging inspirasyon pa nga raw ni Hasna si Toni, nang makita niya itong nanonood sa 'Rak of Aegis' noong 2014 kasama ang fiance pa nito noon na si Direk Paul Soriano.

Maganda raw ang naging offer sa kaniya ng pangatlong nakarelasyon kaya halos napapayag na rin siya, yamang sino ba namang babae ang hindi nangarap na maikasal?

Hanggang sa naikasal na rin sila noong 2018. Naging maganda at maayos naman daw ang kanilang buhay at nakapagpundar ng mga gamit at bahay. Ngunit 10 buwan pa lamang daw nagtatagal ang kanilang relasyon ay nagpapaalam na sa kaniya ang mister, sa mismong kaarawan niya.

"Sa birthday ko mismo, sabi niya… hindi na raw niya kaya," hanggang sa naging emosyunal na si Hasna. "Kasi sabi niya, hindi raw niya pala kami mahal pala. Yung realization niya after naming ikasal is… awa lang pala yung naramdaman niya sa amin. Kawawa lang kasi kaming mag-iina, tapos nabulag lang siya sa fact na nakaka-inspire ako as a woman… pero hindi… kawawa lang pala…"

Naintindihan naman daw ni Hasna ang kaniyang mister, dahil siya nga raw na nanay ng mga anak niya ay nahihirapan, isang tao pa kaya na hindi naman niya anak ang mga ito kung tutuusin?

Kaya lang, hindi raw niya alam ang sasabihin niya sa pamilya niya nang mga oras na iyon. Sobrang saya pa naman daw ng isa niyang kapatid na lalaki nang maikasal si Hasna, lalo na nang malaman nitong 'Daddy' na ang tawag ng mga anak niya sa kaniyang pinakasalan. Iyon daw kasi ang pangarap ng kapatid niya sa kaniya.

Nang mga oras na iyon, pakiramdam daw ni Hasna ay basura siya at mga anak niya.

"Sobrang sakit kasi akala ko mahal kami, sasaluhin kami, awa lang pala… that time, tingin ko sa sarili ko, basura… kami ng mga anak ko…"

Hindi naman daw siya masamang babae kaya nagtataka siya kung bakit hindi tumatagal sa kaniya ang mga nakarelasyon. Ikinonsidera din niya ang sarili bilang 'domesticated wife'.

"Ang tanong ko nga, bakit ba, hindi naman ako masamang babae? Ako yung namimili ng lingerie para sa asawa ko, pinagsisilbihan ko talaga siya, kasi ito na yung chance ko eh… ito na yung last chance ko, dalawang panganay, tapos may lalaking darating, papakasalan ka pa," emosyunal na saad ni Hasna.

"So ako yung tipong nanonood ng YouTube vlogs para lang magluto ng pinakamasarap na pagkain, darating siya, lahat malinis dapat, makakarelax siya… yung gano'n, nanonood pa nga ako ng porn eh," natatawang sabi pa niya na ikinatawa rin ni Toni dahil nagkakaiyakan na rin.

"Hindi para sa pleasure ko, nanonood pa ako ng porn para alam mo 'yun, updated pa ako…"

"Ganoon ka ka-submissive, ganoon ka ka-dedicated!" pagbibigay-diin naman ni Toni.

Natanong din ni Toni kung nakuwestyon ba niya ang Diyos sa mga nangyayari sa kaniya. Aniya, noong umaalis na ang mister ay nagmakaawa pa siya rito upang huwag silang layasan. Humawak pa raw siya sa binti nito.

"Nagmamakaawa talaga ako… iyon yung pinakamababa ko… nakahawak ako sa binti Ate Toni, ganoong level… 'Huwag mo kong iwan… huwag mo kaming iwan ng mga anak ko, parang awa mo na,' ganoong level Ate Toni… ganoong kababa, from being a banker, performer ako sa opisina, bumaba ako nang ganoong kababa… nakahawak ako sa binti ng lalaki… wala na akong kuwenta, basura na ako…" emosyunal na sabi ni Hasna.

Nang hindi raw niya napigilan ang mister, nasabi na raw ni Hasna sa sarili niya na pagod na siyang magmahal. Nawalan daw siya ng self-worth nang bonggang-bongga dahil ipinaramdam daw sa kaniya ng mister na hindi siya kamahal-mahal, sila ng mga anak niya.