Nagkomento ang direktor ng 'VinCentiments' na si Darryl Yap sa pasabog ni Valentine Rosales tungkol sa karanasan nito sa isang branch ng convenience store sa Ali Mall Cubao, na ibinahagi niya sa Facebook post nitong Linggo, Marso 13.

Kwento kasi ni Valentine, namimili siya sa 7-Eleven nang may pumasok na lalaki sa loob at madaling-madali umanong kumuha ng drinks sa vending machine at umalis ito nang hindi nagbabayad. Nilapitan daw siya ng cashier at itinanong sa kanya kung kasama niya ba iyon ngunit itinanggi niya ito.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/03/14/7-11-branch-na-tinutukoy-ni-valentine-rosales-kinumpirmang-sarado-ng-balita/

Tinanong din siya nito kung anong cup ang kinuha nung lalaki aniya, “natawa si Kuya sabi niya “opo sir. Nakita niyo po ba anong tumbler po na kinuha niya?” Sabi ko “yes po, bat kailangan niyo po ba yun malaman?” Sabi ni kuya Cashier “opo sir. Kasi sa inventory po pag inaaudit po kami.” Sabi ko yung kay BBM po ang ni kuha niya eh.”

'Gusto ko proud sila:' Achievements sa buhay, iniaalay ni John Arcilla sa mga magulang

Kuwento pa ni Rosales, siya na lamang ang nagbayad doon sa ‘di umano’y kinuha ng lalaki at dito rin niya naipasok na kailangan bumoto ng leader na may prinsipyo at hindi nagnanakaw.

“35 pesos lang naman pala. Jusko ninakaw pa. Anyway share ko lang. Masama po mag nakaw kailangan po natin bumoto ng leader na may prinsipyo at di nag nanakaw. Sarap kaya Uminom ng Gulp sa 7/11 pag alam mong di NAKAW or UTANG yung pambayad sa cashier,” ani Rosales.

Gayunman, umani ng batikos si Rosales dahil maraming netizens ang nagsasabi na sarado na ang branch na binanggit ni Rosales sa post.

Napansin din kasi ng mga netizens ang edit history ng post niya na unang nakalagay na branch ay “7/11 Ali Mall Cubao” na naging “7/11 near Ali Mall branch.”

Samantala, dahil sa umiinit na usapan tungkol sa naturang branch, nakipag-ugnayan ang Balita Online sa 7-Eleven. Kinumpirma nila na sarado ang branch sa Ali Mall Cubao na tinutukoy ni Rosales.

Si Valentine Rosales ay isa sa mga inimbestigahan na kaibigan ng namatay na flight attendant na si Christine Dacera noong Enero 1, 2021.

Pinatotohanan naman ng 'Pambansang Lalaking Marites' na si Xian Gaza na sarado na ang 7-Eleven branch sa Ali Mall, batay sa kaniyang 'imbestigasyon'. Nagkapalitan pa sila ng mga patutsada sa social media, hanggang sa nagkabardagulan na.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/03/14/xian-gaza-sa-pagiging-marites-tsimis-responsibly-splook-moderately/

Samantala, narito naman ang komento ni Darryl Yap:

"Hindi ko alam kung tatawa ako o maaawa," aniya sa kaniyang Facebook post nitong Marso 13, 2022.

"Kaya ba walang mai-content ang pinks kasi puro ganito ang pagkakagawa ng kwento? Pwede namang EPISODE 1 : magbabarkada nagkita-kita sa 7-11 tapos nagparty with drugs… para maganda-ganda naman ang plot!"

Screengrab mula sa FB/Darryl Yap

Ibinahagi ni Yap ang naunang FB post ni Rosales, na kapansin-pansin na edited na ang unang pangungusap o pahayag.

"Incident kanina sa 7/11 Near Alimall Cubao Branch sa may UCPB katapat ng SM Super Market," saad na sa post.

Samantala, wala pang kontra pahayag si Rosales sa komento ni Yap. Sa halip, ang kaniyang latest FB post ay "Katamad mag explain, judge n'yo na lang ako."

Screengrab mula sa FB/Darryl Yap