Nakapanayam ni King of Talk Boy Abunda ang misis ni presidential candidate at Senator Manny Pacquiao na si dating Sarangani vice governor Jinkee Pacquiao, sa ‘The Interviews Of The Wives And Children Of The 2022 Presidential Candidates’ para naman sa panig ni Pacquiao, na umere noong Marso 11, 2022.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/03/13/jinkee-aminadong-napilitang-sumabak-sa-politika-at-maging-sarangani-vice-governor/

Kasamang sumalang ni Jinkee sa panayam ang dalawang anak na babae nila ni Manny na sina Queen Elizabeth o ‘Queenie’ at Mary Divine Grace Pacquiao.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Jinkee, Queen Elizabeth, at Mary Divine Grace Pacquiao (Screengrab mula sa YT)

Isa sa mga natanong kay Jinkee ang pagsisimula ng love story nila ng senador. Pambubuking niya, nagkakilala sila ni Manny sa isang mall sa General Santos City. Isa siyang beauty consultant at si Manny naman ay naging customer niya, na noon ay may nobya. Bumili umano si Manny ng beauty product na itinitinda niya para sa jowa nito, subalit simula noon ay lagi na raw dumadaan-daan ang noo'y ordinaryong boksingero pa lamang na si Manny.

Nagkataon naman daw na ang assistant trainer ni Manny ay tiyuhin ni Jinkee, kaya ito ang naging tulay upang ganap na magkakilala ang dalawa.

"Iniinvite niya akong kumain sa labas pag-out na ako sa work ko… doon ko siya mas nakilala," wika ni Jinkee. Tahimik lamang, mabait, at parang hindi masyadong nagsasalita si Manny na siya namang nakapukaw ng kaniyang atensyon.

Isa pa raw sa mga nagustuhan ni Jinkee kay Manny ay ang pagiging mapagkumbaba nito. Hindi raw mayabang.

Nilinaw naman ni Boy kay Jinkee kung siya ba ang dahilan kung bakit naghiwalay sina Manny at ang jowa nito.

Sagot ni Jinkee, masyado raw selosa ang nauna nitong nobya. Inaway at pinagkakalmot pa raw ito nang ex nang may makapagsumbong umano rito na nakita si Manny na may kaakbay na ibang babae, habang naglalakad sa isang mall.

Only to find out, ang naturang babae ay kapatid ni Manny.

"Parang inisip niya, paano kaya kapag naging mag-asawa kami, baka sobra pa ang gawin sa akin," natatawang salaysay ni Jinkee. Doon na raw nagsimulang manligaw sa kaniya si Manny sa loob ng anim na buwan.

"Pagkatapos ng six months, nagpakasal na kami kaagad. Mabilis lang, super. Ang bilis! Hindi pala 'yun sa tagal ng ligawan or magkasama muna kayo, getting to know each other… pero kapag na-in love na kayo sa isa't isa, doon na, dire-diretso na…" pagbabahagi ni Jinkee.

Gusto na raw talagang mag-asawa ni Manny para magkaroon ng magkokontrol sa kaniya. Subalit napatunayan ni Jinkee na ang lalaki raw ay hindi basta-basta makokontrol, nang magsama na sila.

Ikinasal sina Manny at Jinkee noong Agosto 10, 1999.