Nahaharap ngayon sa kasong extortion ang tatlong pulis matapos silang arestuhin ng mga tauhan ng anti-scalawag unit ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng umano'y pangongotong sa isang babae sa Palo, Leyte kamakailan.
Ang tatlong suspek ay kinilala ni Brig. Gen. Oliver Enmodias, hepe ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), na sina Senior Master Sgt. Alex Asis, Staff Sgt. Raffy Reposar at Cpl. Jerwin Dacillo, pawang nakatalaga sa Palo Municipal Police Station (MPS).
Hindi na aniya nakapalag ng tatlo nang arestuhin sila sa loob mismo ng kanilang presinto dakong 6:00 ng gabi ng Martes.
Isinagawa ang pag-aresto batay na rin sa reklamo ng isang Cherie Quinono, taga-Tacloban City, na nakalabas na ng selda matapos magpiyansa kasunod na rin ng pag-aresto sa kanya sa ikinasang entrapment sa isang 'Barangayanihan' medical mission noong Oktubre ng nakaraang taon.
Pagdidiin ni Quinones, apat na buwan na siyang kinikikilan ng tatlong pulis.
Bukod sa multiple extortion, nahaharap din ang tatlo sa kasong robbery at sexual harassment.
Nasamsam kina Asis, Reposar at Dacillo ang P6,000 marked money, dalawang Glock 17 9mm pistols, dalawang magazine na may 29 bala at apat na cellular phone.
Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8 sa Tacloban City ang tatlong suspek.
Nahaharap din ang tatlo sa kasong administratibo, ayon pa sa pulisya.
PNA