Umuugong ang chika na winalis na raw ang Kapamilya actor na si Kiko Estrada sa ginagampanan niyang role, sa anticipated action superhero series ng ABS-CBN na 'Mars Ravelo's Darna: The TV Series' dahil najutayan o naliitan daw ito sa papel na kaniyang ginagampanan.

Ayon sa kuwentuhan nina Ogie Diaz, Mama Loi, at Ate Mrena sa Ogie Diaz Showbiz Update nitong March 10 episode, ang role daw ni Kiko sa serye ay love triangle nina Jane De Leon, na siyang gumaganap na 'Narda/Darna', at ang leading man niyang si Joshua Garcia. Matatandaang kasama si Kiko sa isinagawang cast reveal ng serye noong 2021.

"Naliitan pa siya ro'n?" gulilat na tanong ni Mama Loi.

"Oo," tugon naman ni Ogie. "Kaya nga nangarag sila, nangarag sila , kaya bigla-biglang hinanapan siya ng kapalit. Ang naharap raw na kapalit ay si Paolo Gumabao."

Tsika at Intriga

Habang si Maris namundok: Anthony, pumarty kasama ang Incognito stars

Si Paolo Gumabao ay award-winning actor sa pelikula niyang 'Lockdown' at in fairness, wala itong kiyeme sa pagbubuyangyang ng puwet at notabels sa pelikula. Aprub naman dito ang mga host dahil kahit paano ay napatunayan na raw ni Paolo ang kaniyang acting skill.

Pero sabi naman ni Ogie, wala naman daw maliit o malaking role. Lahat daw ay mahalaga sa isang pelikula. Ginawa pa niyang halimbawa ang yumaong si Eddie 'Manoy' Garcia na hindi naman masyadong conscious sa billing.

Ura-urada at bigla na lamang daw nag-resign si Kiko dito, ispluk pa ni Ogie. Nangangamba tuloy si Ogie na baka makaapekto ito sa career ni Kiko.

"Sa isang estasyon, sa akin lang ah, kapag nag-attitude ka, mamarkahan ka nila. Mamarkahan ka ng production, mamarkahan ka ng network. Posibleng hindi ka nga ban, pero may silent banned," aniya.

Sa kabilang banda, hindi naman daw dapat husgahan si Kiko dahil hindi naman daw alam ang tunay na pinagdaraanan nito kaya bigla na lamang nagbitiw sa serye. Nagtataka naman si Mama Loi kung bakit naliliitan si Kiko sa role gayong ka-love triangle na siya ng mga bida.

"Joshua Garcia, Jane De Leon, Kiko Estrada… oh 'di ba ang laki no'n?"

"Kung anoman ang rason ni Kiko, sana ay hindi niya pinagsisisihan, pero yung biglaang pagre-resign, kung totoo man ito ah, eh parang hindi naman yata maganda, dapat ay ano, ahead of time," payo pa ni Ogie. "Saka established na yung karakter, ang hirap no'n ah…"

Lubha raw nakaapekto sa proyekto ang pagbibitiw ni Kiko dahil marami na silang nagawang episode matapos ang kanilang lock-in taping.

Kapansin-pansin din daw na pagdating sa social media, walang ni isang fina-follow si Kiko, pero naroon pa rin ang kaniyang mga 464K followers.

Samantala, wala pang pahayag si Kiko, ang Star Magic, o maging ang production team ng serye, o ang ABS-CBN, hinggil sa isyung ito.