Nilinaw na ni Cristy Fermin ang ispluk ni Lolit Solis tungkol sa biglaang pagbabu niya sa radio program nilang tatlo nina Lolit at Mr. Fu, gayundin ang pagbibitiw niya bilang kolumnista sa isang pahayagan.

Sa March 7 episode ng Cristy Ferminute, sinabi ni Cristy na hindi na raw niya maaatim na makipagtrabaho sa line producer ng show at editor ng pahayagang pinagsusulatan, na si Salve Asis, ang laging binabanggit ni Lolit Solis sa kaniyang mga artikulo at IG post.

"May nangyari po kasi na hindi ko na po ikinasasaya, at ang batas po ng buhay ko, kapag hindi na po ako maligaya, lumalabas po ako," ani Cristy.

At dito na nga, isinalaysay na niya ang mga nangyari na nagpatrigger umano sa kaniya kung bakit siya nagbitiw sa kanilang trio nina Manay Loit at Mr. Fu. Bigla raw pumasok si Salve Asis habang nagkukuwentuhan sina Cristy at Lolit, ilang minuto bago magsimula ang show.

Relasyon at Hiwalayan

Kobe Paras, naka-three point shot na ba sa puso ni Kyline Alcantara?

"Sabi niya, 'May bad news ako sa inyo, last show na natin ngayon'. Binigyan na ako ng memo ng sales, ng finance department, nalulugi raw ang company, bumabawi pa lang, kung gusto ninyong ituloy, humanap kayo ng producer."

Napaigtad daw sina Cristy at Lolit sa kanilang mga narinig. Hindi yata nagustuhan ng showbiz columnist ang ura-uradang pag-abiso sa kanila, na para daw walang tyempo, lalo't magsisimula na nga naman daw ang show nila.

Agad na raw sumulat ng resignation letter si Cristy sa pamunuan ng show at pahayagan. Ayaw na raw niyang makipagtrabaho sa mga taong walang respeto sa kanilang mga kasamahan. Hindi na raw niya gugustuhing makasama ang line producer na walang respeto sa mga hosts.

Nag-sorry naman daw at todo-explain si Salve Asis kay Cristy pero hindi na raw niya ito sinagot at itinuloy na ang pagbibitiw sa show na ito.

"Hindi ko na po talaga kakayanin pang makipagtrabaho pa kay Salve Asis," aniya.

Nabanggit at ginawa pang halimbawa ni Cristy ang naging reaksyon daw ni Robin Padilla nang tsugihin ang sitcom na kinabilangan nito sa ABS-CBN noon. Nagalit daw si Binoe dahil walang kaabog-abog na sinabi sa kanila na last taping na nila. Paano na raw ang mga trabahador na mawawalan ng trabaho?

Sa kabilang banda, may bago at sarili na umano siyang YouTube Channel at programa na 'Showbiz Now Na' at makakasama niya rito sina Romel Chika at Morly Alinio.

Samantala, sa March 8 episode naman, tila may sama ng loob si Cristy sa dating co-host sa 'Take It Per Minute' na si Mr. Fu, na hindi na niya na-elaborate.

Nagbitiw daw ng salita si Manay Lolit na 'mas maganda' si Mr. Fu kaysa kina Romel Chika at Morly Alinio, at iba raw ang levelling nito. Sang-ayon naman si Cristy na hindi magkaka-level ang tatlo. Si Morly raw ay matagal nang showbiz reporter at kolumnista habang si Romel naman ay stand-up comedian at maraming kakilala at insiders sa showbiz. Si Mr. Fu raw, anong alam?

Sabi pa ni Cristy, palagay niya ay inadyang mangyari ang kanilang paghihiwa-hiwalay ng trio nila, para masukat daw niya kung anong klaseng tao si Mr. Fu.

"Basta, kaya kong sabihin sa kaniya nang harapan, pero hindi ko na sasabihin ngayon sa ere, pero kaya kong sabihing talampakan sa mukha niya kung ano ang natuklasan ko sa pagkatao niya, iyon, sa totoo lang," medyo mataas ang emosyon na sey ni Cristy.

"Wala naman akong inaatrasang laban sa totoo lang, basta't nasa panig ako ng katotohanan… at ako ay may paninindigan, kapag sinabi ko, tinutupad ko, hindi ako urong-sulong sa anumang laban, pag oo ako, oo lang… hindi ako sa hindi, hindi… ganoon lang naman ang buhay."

Kaya marami na sa mga Marites ang nakaabang sa mukhang gusot sa pagitan nina Cristy at Mr. Fu. Sabi nga niya, 'Me gano'n?' Ano nga kaya ito?

Samantala, sa Instagram post naman ni Lolit:

Lolit Solis at Mr. Fu (Screengrab mula sa IG/Lolit Solis)

"Talagang sanay na ang katawan ko na every Tuesday up and about ako dahil meron Take it… at pupunta ako sa Obra ni Nanay (sa bahay ni Cristy kung saan sila nagte-taping ng dating show). Mahirap din burahin iyon 3 years na iyon na naging ugali mo, lalo sa akin na iyon lang yata ang diversion ko as a 75 years old senior."

"Madali din intindihin iyon katwiran ni Cristy, bigla hindi na siya masaya, gusto na niya ng ibang path sa kanyang journey, so bigyan mo siya ng laya sa gusto niya. Maliwanag ang stand ko, habang masaya pa ako sa Take it, habang hindi pa ito isang trabaho para sa akin, tuloy lang ako. Iyon pa rin ang team Take it, nawala lang si Cristy na ayaw namin palitan nila Mr. Fu."

"Sure ako na kahit kasama ni Cristy sila Morly at Rommel Chica, kami pa rin ni Mr. Fu ang mas mahal niya, hah hah hah. Talaga lang kung minsan hindi nawawala iyon sabi nga, 'naalog' ang samahan, medyo may dumarating na konting 'punit' pero hindi naman warak na warak. Sa edad kasi namin ni Cristy siguro nga iyon senior moments dapat naiintindihan ng mga mas bata sa amin, at nakikita ko naman na tanggap din nila kaya nga lang siyempre choice pa rin ni Cristy na gusto niya ng iba naman landscape sa ngayon."

"Basta , habang walang pressure, walang stress, at happy go lucky lang ang Take it, tuloy pa rin ako. Malay natin, sa ending, kami uling tatlo nila Cristy at Mr Fu, ganyan lang naman ang traffic ng buhay, iba't ibang daan, pero sa dulo, nagtatagpo din. Basta nanduon pa rin ang friendship, walang problema, kanya kanya muna tayo, saka na ulit tayo magsama sama. Till we see each other again."

"Basta, happy Tuesday pa rin, follow nyo parin kami ni Mr Fu, kasama parin namin sila Salve, andyan si Gorgy , bigay parin namin happy pills ninyo, basta happy lang, walang sad."