Sinariwa ni ABS-CBN news anchor Karen Davila ang 35 taong anibersaryo ng 'TV Patrol,' ang flagship newscast ng Kapamilya Network.

Sa kasalukuyan, silang tatlo nina Henry Omaga Diaz at Bernadette Sembrano ang mga main anchor nito.

"35 YEARS of #TVPatrol ?? #OnThisDay, March 2, 1987 was the pilot broadcast of what was to be the Philippines’ most iconic newscast," saad ni Karen sa kaniyang Instagram post, kalakip ang luma at kasalukuyang litrato nito.

Derrick Monasterio, 'di keri magpakita ng 'talong'

Frankie Evangelista, Mel Tiangco, Noli De Castro, Angelique Lazo, Bernadette Sembrano, Gretchen Fullido, Henry Omaga Diaz, Karen Davila, at Ariel Rojas (Screengrab mula sa IG/Karen Davila)

Ayon kay Karen, na nagsimula muna bilang news anchor sa GMA Network bago umober da bakod sa ABS-CBN noong 2000, 16 anyos siya nang unang umere sa himpapawid ang TV Patrol. Isang karangalan daw na sa paggunita ng 35 taon nito, kabahagi pa rin siya nito sa kasalukuyan, kahit na dumaan sa matinding pagsubok ang kanilang home network simula noong 2020.

"I was only 16 years old when TV Patrol first aired on ABSCBN and now, 35 years later, I am here anchoring the newscast. I first co-anchored TV Patrol 2004-2010 but it has become more meaningful to be with the program at this time in ABSCBN’s history."

"Ano man ang mangyari, itinuturing kong isang malaking karangalan na maging bahagi ng programang ito at ng ABS-CBN News."

"Always, in the service of the Filipino ?? Salamat sa love guys! Sa hirap at ginhawa nandyan kayo," aniya.

Ang TV Patrol ay pumalit sa naunang flagship newscast ng ABS-CBN na 'Balita Ngayon' nang makabalik sa broadcast ang TV network, matapos maipasara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., sa panahon ng Batas Militar. Ang mga orihinal na main news anchors nito ay sina Kabayan Noli De Castro, dating Kapamilya ngunit ngayon ay Kapuso na si Mel Tiangco, at aktor na si Robert Arevalo. Si Arevalo ay pinalitan ng yumaong si Frankie Evangelista.

Ang pumanaw na si Ka Ernie Baron naman ang kanilang resident meteorologist at trivia master, na naipasa naman kay Kuya Kim Atienza. Nang lumipat si Kuya Kim sa GMA Network at mapabilang sa katapat nitong flagship newscast na '24 Oras', ang pumalit sa kaniya ay sina Boyet Sison (Alam N'yo Ba?) para sa trivia at si Ariel Rojas naman para sa ulat-panahon.

Ang actress-personality naman na si Angelique Lazo ang naghatid ng showbiz news, na ngayon ay inihahatid ni Gretchen Fullido.

Naidagdag din dito sina Winnie Cordero para sa mga praktikal na tips sa buhay, mga kuwentong katatawanan ni Marc Logan, at mga bago at trend sa teknolohiya at gadgets na gatid ni Migs Bustos, 'due to insistent public demand' na sana raw ay pumalit kay Kuya Kim.

Sa ngayon ay patuloy na umeere at napapanood ang TV Patrol sa cable channels at social media platforms ng ABS-CBN.