Nalungkot ang mga subscriber at tagahanga ng komedyanteng sina Super Tekla at Donita Nose nang i-anunsyo nilang buwag na ang kanilang tandem bilang partners sa YouTube channel nilang 'Donekla in Tandem' na may 3.21M subscribers, dahil sa ilang hindi pagkakaunawaan.

Sa pamamagitan ng livestream noong Pebrero 18 ay isiniwalat na nga ng dalawa na naghiwalay na sila ng tinutuluyang bahay. Ayon sa ispluk ni Donita, halos hindi tatlong linggo raw silang hindi nag-usap ni Super Tekla kahit nasa iisang bubong lamang sila. Hanggang sa bumukod at nagkaniya-kaniya na sila ng bahay, waley pa rin pansinan. Nagmistulang open forum tuloy ang naturang vlog.

Super Tekla at Donita Nose (Screengrab mula sa YT

Tsika at Intriga

Maris, namundok matapos maeskandalo kay Anthony

Ang ikinasasama raw ng loob ni Donita Nose kay Super Tekla ay ang hindi nito pagtupad sa naging usapan nila na magsasama sila sa iisang bubong bilang magkaibigan, anuman ang mangyari.

"Dumating sa point na umayaw na ako. Wala kaming upload (sa YouTube channel)."

"Hindi kami nag-uusap kasi sumama na yung loob ko sa kanya dahil kasi lilipat po kasi kami ng bahay talaga."

“Gusto namin bahay na maayos, yung makakapag-vlog kami. Kasi, doon sa isang bahay namin, medyo istrikto talaga doon. Di kami maka-vlog sa labas kasi nga naiingayan yung mga kapitbahay," ani Donita.

Kuwento pa ni Donita, siya raw ang nag-effort na maghanap-hanap ng bagong bahay na puwedeng lipatan, pero si Super Tekla raw ay nasa bahay lamang at naghihintay.

“Siya nasa bahay lang. Naroonn lang siya. Taga-report lang ako, ‘Heto, may nakita akong bahay.’ Sabihin lang niya sa akin, ‘O, sige, ikaw na bahala diyan.’ So, doon pa lang, ako na naman. Ako na lang lagi,” reklamo ni Donita.

Kaya gulat na gulat daw siya nang malaman niyang hindi na pumirma ng kontrata si Super Tekla sa bagong bahay na napili niyang lilipatan nila.

"So, tinanong ko siya, ‘Bakit di mo pinirmahan?’ Ang pinakamasakit narinig ko at nag-message siya sa akin, sabi niya na-try na raw namin magsama sa isang bahay sa loob ng isang taon, ‘Pero wala namang nangyari.'", na ang tinutukoy ay ang pagba-vlog nila.

"Nakakadurog ng pagkatao. Binigay mo lahat. Inihain mo na lahat, kahit utak mo dumudugo na sa pag-iisip at hirap. Ang dami ko shinare sa sarili ko. Pero sasabihan mo lang ako ng walang nangyari?” kuwento ni Donita habang nasa tabi naman niya si Super Tekla, tahimik na nakikinig.

Inirereklamo rin ni Donita ang 'katamaran' ni Super Tekla pagdating sa pagba-vlog gayong hati naman sila sa magiging kita rito.

“Masakit sa akin kasi halos ako na lahat, eh. Tapos walang nangyari? Unfair naman yata sa akin 'yun, di ba?’ Sa totoo lang, si Tekla pagdating sa trabaho, pagdating sa vlog namin, di siya professional. May katamaran."

“Ite-text ko na lang, ‘Pupunta tayo sa ganito, dito tayo magba-vlog.’ Marami pa siyang dahilan. ‘Di ako puwede.’ Teh, ako na naghanap, pupunta ka na lang. Magba-vlog na lang tayo. Ba’t di mo kaya ibigay sarili mo? Kasi ako, binibigay ko lahat sa akin, eh."

“Di nga ako nag-upload sa channel ko madalas kasi nagpokus ako sa ating dalawa, dahil madami nagmamamal sa ating dalawa."

“Sayang yung 3 million subscribers. Pero ako lang palagi? Isang taon na nga yung nangyari,” masamang-masama ang loob na sumbat pa ni Donita kay Super Tekla.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Super Tekla kung bakit siya 'tinatamad' mag-vlog. Inamin niya na minsan pala ay may mga ideya siyang inilalatag kay Donita para sa magiging content nila, pero minsan daw ay ibinabasura ito ng katandem niya. Madali pa naman daw sumama ang loob ni Super Tekla sa rejection, which is mali, sabi naman ni Donita.

Sa bandang huli ay hindi nagkaayos ang dalawa. Humingi ng paumanhin si Donita sa lahat ng mga tagasuporta nila.

Nilinaw din ni Donita na hindi siya sumasakay sa kasikatan ni Super Tekla, o ginagamit ang kaibigan para lamang dito.

"Gusto ko lang linawin sa mga tao na parang sinasabi ‘ay ginagamit mo lang si Tekla,’ kaya ko naman po magtrabaho nang maayos. I can sing. I can host. I can act. I can do comedy. Kaya kong mag-vlog nang mag-isa. Kung baga para sa sarili ko, may talent naman ako," sey ni Donita sa naging panayam naman sa kaniya ni Ethel Booba.

Matapos ang naturang 'open forum' vlog ay hindi pa malinaw kung ipagpapatuloy pa ba nila ang tandem sa pagba-vlog.