Isinailalim sa COVID-19 Alert Level 1 ang Metro Manila simula Marso 1-15, 2022.
Ito ang inihayag ng Inter-Agency Task Force (IATF) at sinabing batay ito sa rekomendasyon ng 17 na alkalde ng National Capital Region (NCR).
Pinagbatayan sa nasabing hakbang ang patuloy na pagbaba ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa rehiyon.
Nitong Linggo, Pebrero 27, naitala ng Department of Health (DOH) ang 1,038 na bagong kaso ng sakit. Ito na ang ikalawang pinakamababang bilang ng kasong naitala ngayong taon.
Kamakailan, inihayag ni DOH Secretary Francisco Duque II na handang-handa na ang rehiyon sa pagbaba ng alert level status nito at pinagbatayan ang malaking porsyentong ng bakunadong senior citizens.
Bumaba na rin aniya sa 4.9 porsyento ang positivity rate sa NCR, mas mababa kumpara sa rekomendadong limang porsyento ng World Health Organization (WHO), ayon sa independent monitoring group na OCTA Research.
Paliwanag ng OCTA, ito na ang unang pagkakataong naitala ang pagbaba ng positivity rate sa NCR simula noong Disyembre 26 ng nakaraang taon bago pa magkaroon ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 na dulot ng Omicron variant.