Sinabi ni Vice President Leni Robredo na kung siya ay mahalal na Pangulo sa Mayo 2022, ang kakayahang mamuno ay magiging isang mahalagang kalidad ng susunod na Health secretary, sabay pagtitiyak na ito’y hindi isang ‘political appointee.’

Bagaman hindi binanggit ng pangalan, sinabi ng nag-iisang babaeng kandidato sa pagkapangulo na mayroon siyang konsepto ng susunod na mamumuno sa Department of Health (DOH).

Gayunpaman, idiniin niya ang pangangailangan para sa isang Health secretary na isang technical expert, isang mahusay na tagapamahala, at iginagalang ng kanyang mga “peers.”

Idinagdag niya na hindi ito magiging political appointment at binigyang-diin ang kahalagahan ng pamumuno sa ahensya.

National

Gringo Honasan, tatakbong senador sa 2025; maghahain ng COC sa bago matapos ang filing

“During the pandemic, nakita natin ang halaga ng leadership sa Department of Health. Ang kahalagahan po ng leadership na ‘to overextends hindi lang iyong kaalaman sa health pero iyong kahandaan na sumabak sa ground,” sinabi ni Robredo sa "The Filipino Votes: Presidential Debate" ng CNN Philippines nitong Linggo, Peb. 27.

Ang kanyang susunod na pinuno ng DOH ay isang taong kayang mamuno dahil handa rin siyang gawin ang mga mandato sa ground.

“Ako bilang presidente, in every crisis, ako mismo ang mangunguna. Nakita natin during the pandemic na kailangan natin ng isang pangulo na nagli-lead sa front,” pinunto ni Robredo.

Idinagdag niya na ang isang pangulo ay hindi maaaring umasa sa mga ulat lamang, at na "walang oras na matitira" sa panahon ng krisis.

Sa mga naunang panayam, sinabi naman ni Robredo na nais niyang isang actuarial scientist ang mamumuno sa PhilHealth.

Ang isang actuarial scientist ay isa sa mga nagtatasa ng mga financial risk pagdating sa larangan ng insurance at kaugnay na area gamit ang mathematical at statistical equations.

Ang Bise Presidente ay naging mahigpit na kritiko sa mga patakarang pangkalusugan ng administrasyong Duterte, lalo na sa kaliwa’t kanang pagpapatupad ng lockdown dahil sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 disease sa bansa.

Raymund Antonio