Masaya si Film Development Council of the Philippines Chairperson Liza Dino para sa 'paglaya' ng singer na si Jake Zyrus o dating sumikat at nakilala sa pangalang 'Charice Pempengco' hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Natanong siya ng mga showbiz reporter kung anong sey niya sa viral photo ni Jake kamakailan lamang, kung saan, makikita ang topless na katawan ng singer at ibinalandra ang kaniyang dibdib.

Hinahangaan daw niya si Jake dahil sa katapangang ipinamalas nito upang ilantad ang tunay niyang identidad. Relate-much daw siya dahil naranasan umano ito ng kaniyang mister na si Ice Seguerra (dating Aiza Seguerra) na kagaya rin ni Jake ay mahusay rin na singer.

"Kasi kahit ngayon na tanggap nating transman si Ice, ang tawag natin sa kaniya ay Ice, nirerespeto natin yung pronoun niya, pero siya, 'yung gumising siya sa umaga, 'yung physicality niya pa rin as a man, hindi pa rin niya nakikita," ani Liza.

Relasyon at Hiwalayan

Kobe Paras, naka-three point shot na ba sa puso ni Kyline Alcantara?

Bilang misis ni Ice ay nakikita raw niya ang 'struggle' na iyon sa mister araw-araw. Sa kaso naman daw ni Jake, sana raw ay suportahan na lamang ito kung ito raw ang magpapasaya sa singer.

Samantala, masaya rin ang mga showbiz columnist na sina Cristy Fermin at Ogie Diaz para kay Jake.

Hiling lang daw sana ni Ogie ay makapanayam niya si Jake at kalimutan na ang munti nilang hidwaan noong Charice pa ito.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/02/22/ogie-diaz-miss-na-si-charice-pempengco-bet-makapanayam-si-jake-zyrus/

Isa kasi si Ogie sa mga matapang na nagpahayag na napapansin niyang nagiging manly na ang kilos, pananamit, at imahe ni Charice sa kasagsagan ng kasikatan nito. Dumating kasi sa punto na tila naging 'rakista' ang imahe nito, malayo sa pa-sweet na little girl na nakilala ng lahat sa kaniya. Medyo nabago rin ang taste pagdating sa musicality, bagay na ikinabigla ng lahat.

Hanggang sa dumating na nga ang sandali ng pag-amin ni Charice sa panayam ni Tito Boy Abunda sa 'The Buzz' kung saan inamin niyang lalaki ang tingin niya sa kaniyang sarili. Hanggang sa sumailalim na nga si Charice sa transition at pinalitan ang pangalan niya na 'Jake Zyrus'.