Isang Korean national ang patay nang umano’y ‘tumalon’ mula sa ikaapat na palapag ng isang condominium building sa Ermita, Manila nitong Martes, Pebrero 22.

Ang biktima ay nakilalang si Daniel Jeong / Ji Taek, 19, at nanunuluyan sa Unit 501, na matatagpuan sa ikalimang palapag ng Alpha Grand View, na matatagpuan sa 1716 Roxas Boulevard, sa Ermita.

Batay sa ulat ni PEMS Zoilo Nazario ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong alas-11:05 ng umaga nang maganap ang insidente sa ikaapat na palapag ng naturang gusali.

Padapang bumagsak ang biktima sa harapang bahagi ng gusali na nagresulta sa agaran nitong pagkamatay dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Sa impormasyong nakalap ng pulisya mula sa ilang kaanak at kaibigan ng biktima, sinasabing dumaranas umano ng depresyon ang biktima.

Inimpormahan naman na umano ng MPD ang Korean Embassy hinggil sa insidente.

Masusi pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari.