Kahit kasama na ng Gilas Pilipinas ang New Zealand sa kanilang grupo sa 2022 FIBA Asia Cup sa Jakarta, Indonesia sa Hulyo 12-24 ay kakalabanin pa rin nito ang malalakas na koponan.
Bukod sa New Zealand, kasama rin ng PH team sa Group D ang India at Lebanon sa isinagawang draw ceremony nitong Biyernes.
Kagrupo rin ng Gilas ang India at New Zealand sa 2023 FIBA World Cup Asian qualifiers.
Magkakasama naman sa Group A ang Indonesia, Saudi Arabia, Jordan, at powerhouse at defending champion na Australia.
Nakahanay naman sa Group B, ang world No. 29 na China at No. 30 na South Korea, Bahrain at Chinese Taipei.
At ang huli ay ang Group C na tampok ang Iran, Kazakhstan, Syria, at world No. 37 na Japan.
Matatandaang itinakda noong Agosto 2021 ang 2022 FIBA Asia Cup, gayunman, ipinagpaliban ito dahil sumabay sa Tokyo Olympics.