Sa Monday episode ng 'Cristy Ferminute' ay nagpaunlak ang legal counsel ng showbiz columnist na si Atty. Ferdinand Topacio upang talakayin ang nilalaman ng demand letter na kontra-aksyon nila sa demand letter na nauna nang inilabas ng kampo ng dating 'Pinoy Big Brother' housemate at miyembro ng 'GirlTrends' na si Dawn Chang, sa pamamagitan naman ng legal counsel nito na si Atty. Rafael Vicente Calinisan.

Nag-ugat ang usaping ito dahil sa reaksyon ni Dawn Chang sa ginawang pagho-host at pagsuporta ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga sa UniTeam proclamation rally sa Philippine Arena, na ginanap noong Pebrero 8, 2022, kung saan, isa sa mga ipinakilala niya ang senatorial candidate at kongresista na si Cong. Rodante Marcoleta, na isa sa mga gumisa sa ABS-CBN sa kasagsagan ng pagre-renew nito ng prangkisa.

Pinalagan ni Dawn ang naging komentaryo ni Cristy sa kaniyang ginawa sa social media.

Agad na naglabas ng demand letter ang abogado ni Dawn Chang at binibigyan ng hanggang Pebrero 16 ang kampo ng showbiz columnist upang magsagawa ng public apology dahil sa kaniyang mga nasabi; at kung hindi magagawa ito, itutuloy umano ang pagsasampa ng kaso laban sa kaniya.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

“Because of your malicious imputations, we assure you, we will send you to jail," bahagi ng demand letter na inilabas ng kampo ni Dawn laban sa beteranang showbiz commentator.

Ngunit pinalagan din ito ni Cristy at sa pamamagitan ni Atty. Topacio ay naglabas din sila ng demand letter.

“Sa trabaho po namin, walang kasong kaakibat kundi libelo, mula po noon hanggang ngayon ay hindi po ako bumabawi ng anumang sinasabi ko, hindi po ako nagbibigay ng public apology sa anumang sinusulat ko dahil para po sa akin ‘yung pinaghirapan kong tatlong dekada ng kredibilidad ay hindi ko po ipananakaw," paninindigan ni Cristy.

“Pero mayroon palang pagkakataon na may maeengkuwentro kayo na isang isyu o kaso na hindi pa man kami naghaharap sa piskalya, hinusgahan na po agad ang aking pagkatao."

“Tinawag po akong sinungaling, duwag, nakakahiya, bastos, at kung ano-ano pa pong mga salita laban sa akin. Gusto ko pong hingin ang masasabi ng isang magiting na abogado at para malaman lahat ang terminong legal at siya rin po ang aking abogado sa isasampa kuno ng isang dancer,” aniya pa.

Ayon kay Atty. Topacio, nasa mga kamay na ng legal counsel ni Dawn ang demand letter.

Screengrab mula sa Cristy Ferminute

“Ako po ay tatlumpung taon nang abogado at nagturo ako ng legal ethics sa New Era University at Pamantasang Lungsod ng Maynila. Iba po ‘yung away ng mga abogado at ng kliyente," paglilinaw ni Atty. Topacio.

“Ang abogado po hindi namemersonal… sila ay abogado. At ang abogado po meron po yang code of professional responsibility ‘yan po ang gumagabay sa kanila sa kanilang pakikitungo sa mga kalaban ng kanilang kliyente, sa lipunan, sa hukuman at sa kapwa abogado."

“Iba po ang pamantayan ng pag-aasal ng isang abogado. Dahil ikaw ay officer of the court, ikaw ay kumuha ng BAR (exam) at nakapasa, dalawa ang degrees mo kasi hindi ka naman magiging abogado kung hindi ka graduate ng isang 4-year course before you took up law."

“Dapat ang pakikitungo mo sa kahit doon sa kalaban ng kliyente ay magalang at maayos hindi palapastangan na dapat tandaan ang nag-aaway ay ‘yung kliyente ninyo at ‘yung kabilang panig. Hindi ikaw ang kalaban ng kalaban ng kliyente mo at hindi kayo magkalaban ng kabilang abogado."

Nabanggit pa ng abogado ni Cristy na dapat nga raw ay pagbatiin ang magkabilang panig at hindi palalain ang away. Marami na umano siyang naging kasong hinawakan na naayos sa labas ng korte.

Hindi rin umano nagustuhan ni Cristy ang tila pagbabantang ipakukulong siya ng kampo ni Dawn Chang.

“Attorney, hindi na po ba ito dadaan ng piskalya, ng lower court, ng CA (Court of Appeals) at Supreme Court?” untag ng showbiz columnist sa kaniyang abogado.

“Iyon nga po ang lagay ko, ang mga abogado po ay may responsibilidad na huwag sisirain ang paninindigan, ang tiwala ng publiko sa ating hukuman, sa ating piskalya, at sa ating mga mahistrado."

“Kung ganyan ang sasabihin mo, parang ipinahihiwatig mo na kontrolado mo ang sistema, kaya nga po kinol-out ko ‘yung abogado ni Ms. Chang kasi parang siguradong-sigurado ka na mako-convict si Nanay Cristy."

“Kung susuysuyin ‘yung mga desisyon ng katas-taasang hukuman tungkol sa libelo at kung ikaw ay public figure na katulad ni Dawn Chang na hindi ko siya kilala pero lumalabas pala siya sa isang palatuntunan bilang isang mananayaw. Ang batas po natin ang sinasabi ‘yung malice o malisya ay hindi presumed. You have to prove malice. Hindi katulad ng kapag ang inilibelo mo ay isang pribadong tao ay malice is already presumed."

“And for public personality, malice is not presumed, ‘yung nagre-reklamo ang may burden of proof to show na ikaw ay may malice at ‘yun pong essence ng libelo ay malice. Kung walang malice, eh, mali siya!” pagpapaliwanag ni Atty. Topacio.

Nasabi ni Atty. Topacio na hindi umano magbibigay ng public apology at hindi rin babawiin ni Cristy ang mga sinabi niya laban kay Dawn Chang.

Isang fair commentary umano ang ginawa niya dahil public figure si Dawn.

“Ang public commentary po parang boxing ‘yan, hindi ka puwedeng tumuntong sa ring na hindi ka nasusuntok, huwag tayong pikon, di ba?” saad ni Cristy.

Tinanong ni Cristy si Atty. Topacio kung ano ang mga susunod na hakbang nito, sa isyung kinasasangkutan nilang dalawa ni Dawn Chang. Ayon sa abogado, naglatag na rin sila ng deadline at ginaya lamang ang naunang deadline na ibinigay ng legal counsel ni Dawn.

“At kung hindi po siya magpapaumanhin ay ikinalulungkot po natin na kailangan ko pong gawin ang dapat ko pong gawin at kailangan niyang panagutan ang sinabi niya na kayo ay duwag, sinungaling at marumi. Nagtataka nga po ako kasi sinabi niya (Atty. Calinisan) na-offend siya. Kaano-ano niya kaya si Dawn Chang at sinabi niya na siya ay na-offend?" tanong ni Atty. Topacio.

“Para sa akin po ay matalinghaga po ito kasi. Kasi kaming mga abogado kapag may lumapit sa amin at medyo matigas kami ay magalang hindi po naming pinepersonal ‘yung mga bagay na sinabi sa amin ng kliyente,” dagdag pa niya.

Samantala, wala pang tugon o pahayag ang kampo ni Dawn Chang tungkol sa mga nasabi nina Cristy at kaniyang abogado sa naganap na talakayan.