Isang 26-anyos na lalaki ang napaslang ng pulisya matapos manaksak ng isang promodiser at security officer sa isang mall sa Tagum City, Davao del Norte, gabi ng Sabado, Pebrero 12.

Nakilala ang suspek na si Jayson Torredo, residente ng Purok 8 Barangay Poblacion Mawab Davao de Oro.

Sa ulat ng KAMM Media Network, sinabi ng hepe ng Tagum Police na bigla na lang daw nag-amok ang suspek nang madampot ang isang naka-display na kutsilyo sa ikatlong palapag ng Gaisano mall.

Unang inabot ng saksak ang promodiser na si Sherwin Bustamante, 23. Hindi rin nakapalag ang security officer na si Ronald Costan, 45 anyos, nang magtamo ito ng sugat sa insidente.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Ayon sa parehong ulat, sinabi ng ama ng suspek na nakararanas umano ito ng depresyon matapos bigong mamayat sa kabila ng matinding pagda-diet at ehersisyo.

Nais lang sana ipasyal ng ama ang anak sa naturang mall nang bigla itong mawala sa kanyang paningin hanggang sa madampot ang kutsilyo at kalauna’y manaksak.

Upang ma-neutralize ang suspek na noo’y nagpalakad-lakad pa sa mall bitbit ang kutsilyo, nagpakawala ng bala ang pulisya dahilan ng pagkasawi nito, ayon sa ulat.

Dead on arrival ang suspek sa Davao Del Norte Regional Hospital.

Nananatiling kritikal naman ang kondisyon ng biktimang si Sherwin habang patuloy na nakarerekober si Ronald.