Isang lalaking pinaghihinalaang holdaper ang napatay habang nakatakas ang kanyang kasamahan matapos na makasagupa ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Theft and Robbery Section (TRS) sa Ermita, Maynila nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Police Senior Master Sergeant Jorman Taluban, imbestigador ng MPD-Homicide Section, ang napatay na si Ernesto Onora, 46 , security guard, at taga-138 3rd St., Tenejero, Candaba, Pampanga.

Inilarawan naman ang nakatakas na suspek na nakasuot ng kulay berdeng t-shirt.

Sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap sa San Marcelino St. dakong 9:30 ng gabi.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Bago ang insidente ay nakatanggap ng tip ang mga tauhan ng MPD-TRS hinggil sa planong panghoholdap ng riding-in-tandem sa lugar.

Gamit umano ng mga suspek ang isang motorsiklo bilang kanilang get-away vehicle.

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis upang beripikahin ang impormasyon at namataan ang dalawang suspek na paikut-ikot sa bisinidad ng 7-11 store.

Nakaramdam naman umano ang mga suspek na may mga pulis sa paligid at bago pa man sila sitahin ay kaagad nang tumakas, sakay ng motorsiklo. Gayunman, nawalan ng kontrol ang mga ito at sumemplang sa gutter.

Sa kabila nito, bumunot pa umano ng baril si Onora at pinaputukan ang mga pulis kaya nagkaroon ng sagupaan na ikinasawi nito.

Mary Ann Santiago