Sumuko na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking umano'y nag-post sa social media ng assassination threat laban kay presidential bet Ferdinand "Bongbong" Marcos kamakailan.
Ito ang kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra nitong Miyerkules, Pebrero 9.
Gayunman, hindi isinapubliko ni Guevarra ang pagkakakilanlan ng naturang TikToker habang iniimbestigahan pa ang usapin.
“The owner of the BBM (Marcos) death threat account voluntarily turned himself in to the NBI yesterday. He was advised to secure the assistance of counsel,” sabi ng kalihim.
Paglilinaw nito, hindi nila ito inaaresto dahil nagtungo ito sa NBI upang magbigay ng paliwanag sa kontrobersya.
Matatandaang iniutos ng DOJ-Office of Cybercrime (DOJ-OOC) sa NBI atPhilippine National Police (PNP) na imbestigahan ang kaso matapos maghain ng reklamo ang isang concerned citizen kaugnay ng pagbabanta nitong Enero 28.
Binanggit naman ni DOJ-OOC Officer-in-Charge Director Charito Zamora, lumabas ang pagbabanta sa comment section ng isang video na ipinost sa social media app na TikTok ng user na@joiedevivre420.
“Nagmemeeting kami araw araw para paghandaang ipa-aasasinate naming si BBM humanda kayo," ang bahagi ng pagbabanta, ayon na rin kay Zamora.
Jeffrey Damicog