Todo-suporta si Vic "Bossing" Sotto sa tambalan nina presidential aspirant Senator Panfilo Lacson at vice presidential candidate Senate President Vicente "Tito" Sotto bilang susunod na matataas na opisyal ng bansa.

Aminado si "Bossing," humahanga siya kay Lacson dahil sa integridad, lakas ng loob at malinis na track record nito nang manilbihan sa bayan sa nakaraang limang dekada.

"Siyempre ang iboboto natin, walang iba kundi ang aking hinahangaang senador, si Senator Ping Lacson," katwiran ni Vic nang dumalo sa proclamation rally nina Lacson at Sotto sa Imus grandstand sa Cavite nitong Martes ng gabi.

“Ako ay hanga sa katapatan nitong taong ito – katapatan sa pagbibigay ng serbisyong publiko. Nakita natin 'yan sa record niya. At pagdating sa katapangan 'di mo matatawaran. Kabitenyo, eh. Katapangan para labanan ang mga tiwali sa gobyerno, para labanan ang korapsyon sa gobyerno ,” pahayag nito.

Probinsya

13-anyos na babae na hinihinalang ginahasa, natagpuang patay sa altar ng chapel

“Siya ang makakatulong ng ating Pangulong Ping para ayusin ang gobyerno, ayusin ang buhay nating lahat,” banggit ni "Bossing" na tinutukoy ay ang kapatid na katambal ni Lacson sa 2022 national elections.

“Ako po ay humaharap sa inyo bilang isang kababayan, lehitimong taga-Imus, lehitimong taga-Cavite. Kapag ako pinagpala na maglingkod, hinding-hindi ko kayo ipahihiya. Hinding-hindi ko kayo bibiguin," paniniyak naman ni Lacson.

Mario Casayuran