Hindi raw kinaya ng ex fiance ni Queen of All Media Kris Aquino na si Mel Sarmiento ang mga 'pasabog' ni Tetay sa dahilan ng kanilang hiwalayan, sey ng showbiz columnist na si Cristy Fermin.

Naging pulutan sa kanilang usapan ang dating magkarelasyon na gumawa ng ingay sa pagpasok pa lamang ng 2022 dahil sa kanilang biglaan at nakabibiglang paghihiwalay ng mga landas, sa kalagitnaan ng pagkakasakit ni Krissy.

Chika ni Cristy, may napagsabihan yatang kaibigan si Mel na hindi raw niya kineri ang mga maaanghang na pahayag ng dating karelasyon laban sa kaniya, na pinost nito na social media. Sabi pa raw nito, sanay naman siya sa lahat ng mga salitang masasakit na natanggap o narinig niya mula sa ibang tao dahil sa pagiging public servant, pero ibang level daw ang ipinatikim sa kaniya ni Kris.

“Alam mo meron daw pinagsabihan si Ginoong Sarmiento na lahat na ng salitang masasakit ay tinanggap niya sa buong buhay niya. Lahat daw ng karanasan ay pinagdaanan na niya," sey ni Cristy.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

"Pero ‘yung talagang hindi niya kinaya ‘yung ginawa ni Kris na in public talaga, sinabi na siya ay manggagamit, at hindi naman tunay na kaibigan ng dating Pangulong PNoy sumalangit nawa."

"Yung nakakakaloka kasi yung ‘ginamit ka’. Yung parang manggagamit ka. Parang di mo na mababawi ito eh wala nang chance. Paano ko mapapatunayan 'to sa mga tao na sinabing ginamit ka… Hindi ko naman pwedeng ipagtanggol ang sarili ko, kalalaki kong tao, tatalak ako sa ‘yo,” saad naman ni Romel Chika sa panig ni Mel.

Kahit si Cristy, hindi raw niya maaatim na humarap sa publiko kung sabihan siya ng mga ganoong salita.

Kung babalikan, matatandaang noong Enero 2, 2022 ng gabi ay naunang lumabas sa Balita Online na napansin ng mga netizen na burado na ang mga litrato at video ni Mel Sarmiento sa kaniyang social media accounts. Umugong ang mga chika na baka nagkakalabuan na ang dalawa.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/01/03/fiance-na-si-mel-wala-nang-bakas-sa-socmed-ni-kris-tanong-ng-mga-netizens-hiwalay-na-ba/

Ngunit Enero 3 ng gabi ay tuluyan na ngang binitiwan ni Kris ang kaniyang pasabog at binasag na ang kaniyang katahimikan. Inamin niyang wala na sila ni Mel at naging mutual ang kanilang pasyang maghiwalay na lamang upang hindi na umano makasagap pa ng COVID-19 si Kris, na noon ay nasa banig na ng karamdaman dahil sa kaniyang auto-immune.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/01/03/kris-kinumpirma-ang-hiwalayan-nila-ni-mel-you-will-never-read-nor-hear-anything-at-all-about-him-from-me/

Sa mga nagdaang araw ay unti-unting nagbigay ng ilang detalye si Kris sa naging dahilan ng kanilang paghihiwalay. Ang pinakamatindi sa kaniyang pasabog, inakusahan niya ang dating fiance na 'mapag-imbento' umano ito ng kuwento, hindi siya minahal, at ginamit lamang siya. Pinabulaanan niya ang ulat ni Manay Lolit Solis na posible pang magkabalikan pa sila. Paano raw ba babalikan ang isang taong nalamatan na ang pagtitiwala rito?

BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/01/24/kris-may-paratang-kay-mel-nag-imbento-hindi-siya-minahal-at-ginamit-lang-siya/

Sa ngayon ay abala si Kris sa pagpapagaling para sa kaniyang dalawang junakis na sina Kuya Josh at Bimby. Kahit na nasa banig ng karamdaman, hindi pa rin niya nakalilimutang magpahatid ng tulong sa mga nangangailangan.

Nakatakda rin umanong lumipad patungong US ang TV host para sa kaniyang pagpapagamot.