Usap-usapan ngayon ang inilabas na voting campaign ng 'Young Public Servants' sa social media na idinaan sa patok na 'love hugot', na ibinahagi ni Kapamilya actress at gumaganap na 'Dra. Kara Teo sa trending na 'The Kangks Show', na si Angelica Panganiban.
Lumabas ang naturang voting campaign video noong Pebrero 1 subalit pinag-usapan na kaagad ito ng mga netizen.
"Ilang beses na tayong nasaktan, beh. Dapang-dapa. Wasak na wasak. 'Wag na tayong magpapabudol! Iwasan na natin ang mga manloloko," saad sa caption.
Nagsimula ang video na ipinakita ang nakaupong si Angelica habang umiinom ng inumin mula sa kaniyang puting tasa.
"Hmm! Naloko ka na ba ng pagmamahal sa maling tao? Yung akala mo, gold medalist ka na, tapos, fake news pala? Hmmm… naku, naku, naku… don't me! Alam ko 'yan. Marami akong entries. Alam n'yo naman 'di ba?" panimulang pahayag ni Angge. Wala naman siyang pinatungkulan o binanggit na pangalan ng kaniyang mga naging karelasyon.
Sa pagpapatuloy, "Ilang beses akong iniwan sa ere. Ilang beses din akong nasaktan. Lagapak, beh. Dapang-dapa. Ninakawan ako ng pag-asa, at pangarap. Huy! Sus! Para kang nag-swimming sa kalsada, alam mo 'yun? Wasak na wasak ang puso ni Nasty Mac. Minahal ko eh. Pinagtanggol ko pa nga sa mga friends ko. Pero… wala! Nganga! Mambubudol pala."
"Ang sakit umasa ha? Nakakapagod ding maging tanga. Sa ganda kong 'to? Hindi ko deserve. Hindi mo rin deserve. It's not worth it. I've learned my lesson. Kaya sana, ikaw rin. Iwasan na natin ang mga manloloko."
At dito na pumasok ang kampanya para sa matalinong pagboto para sa darating na halalan 2022.
"Kaya yung eleksyon sa May 2022, ingat-ingat sa mga tao. Kilatising mabuti ang mga manliligaw. Halughugin ang bio data mula High School hanggang College. Alamin at tingnan ang character references."
"'Wag magpapabudol at 'wag sa magnanakaw!"
Umani naman ito ng iba't ibang reaksyon at komento mula sa mga netizen.
"Tama! Relate kami diyan. Huwag magpapaloko!"
"Walang binanggit na pangalan 'yan huh. Mamaya may umiyak na naman."
"Huwag magpabudol! Iwas sa magnanakaw! Alamin, mag-research, at suriin nang mabuti ang pagkatao at mga nagawa para sa mga mamamayan na nasa laylayan. Huwag botohin ang magnanakaw!!!"
"Iboto ang tunay na maaasahan dapat talaga na makilala natin ang lahat, yung puro salita wag iboto."
"Hindi natin deserve ang magnanakaw, mga kapwa Pilipino."
"Dapat talaga na matalino tayo sa pagboto, huwag magpaloko sa mabulaklak ang sinasabi, huwag agad-agad bibigay, kilalanin maigi."
"Hindi na yata tumatalab yung mag-ingat sa magnanakaw. Dapat siguro, mag-ingat maging tanga…"
"Paano hahalughugin mula high school hanggang college eh wala ngang diploma?"
"Wala naman binanggit na pangalan pero may mga naiyak na. Sapul yarn?"
"Somewhere inside of all of us is the power to change the world. I love the sight of my fellow citizens lining up to make their voices heard, tama naman bumoto nang maayos."
Habang isinusulat ito, mayroon na itong 657K views, 34K reactions, at 1.9K comments. Lumabas ito bago magsimula ang election campaign period.