Matapos ang ilang dekada, muling nagkasama sa isang pelikula ang dating magkatambal at mag-ex jowang sina Mark Anthony Fernandez at Claudine Barretto, na may pamagat na 'Deception'.

Ayon sa Philippine Entertainment Portal o PEP, nauntag si Mark Anthony kung posible bang magkabalikan pa sila ni Claudine at 'ika nga ay 'love is sweeter the second time around'.

Aniya kapag hindi pa umano sila nagkabalikan ni Claudine sa susunod na tatlo o apat na taon, hindi na siya aasang magkakaroon pa ng pangalawang pagkakataon ang kanilang relasyon.

Mga bagets pa sila noong sila ay naging magkarelasyon, at sa ngayon ay pareho na silang 42 anyos. May mga anak na rin sila.

Tsika at Intriga

Chloe San Jose, mas pinipiling maging 'authentic' na tao kaysa people-pleaser

"Posibleng magkabalikan kung mangyayari in the next three or four years. Pero kapag lumagpas na doon, parang imposible na, yun lang ang iniisip ko," pahayag ni Mark Anthony.

"Kapag hindi kami nagka-loving-loving in the next three years, wala nang mangyayaring ganoon, co-actors na lang kami. Pero kapag in the next 3 years or 4 years, nagka-jelling-jelling kami, puwede. Pero beyond that, hindi na ako aasa pa."

Simula kasi nang gumulong na ang mga camera para sa kanilang shooting, madalas na itinatanong sa kanila ang tungkol sa kanilang posibleng balikan, kaya tinuldukan na ito ni Mark Anthony.

Sa panayam naman ng ABS-CBN News sa dalawa noong Enero 12, inamin ni Mark Anthony na 'mahal' pa niya si 'Boss Clau'.

"Yes, I still love Claudine," sagot ni Mark Anthony. “As an actress, as a friend. Crush-wise, hindi nawala ang pagka-crush ko sa kanya all these years. Kahit ano pa ang situation, lagi ko siyang crush."

Natanong din kung hindi pa sumagi sa isipan ni Mark Anthony na sana ay nagkatuluyan sila ni Claudine.

"Lagi kong iniisip ‘yun. Ang importante, close pa rin kami hanggang ngayon ni Boss Clau. Hindi man kami nagmamahalan bilang lovers, bilang magkaibigan, natutuwa pa rin ako at nakakausap ko siya at ganoon din siya sa akin."

"Ang lagi kong minamahal kay Boss Clau how she is an actress and how she loves being an actress, on and off the screen. Hindi nagbago ‘yun. Hanggang ngayon, hinahangaan ko pa rin siya."

Natutuwa naman si Claudine na 'Boss Clau' ang tawag sa kaniya ni Mark Anthony.

"Nakakatuwa ang tawag niya sa akin. Nakaka-aliw talaga si Mark.”

Mapapanood ang 'Deception' na isang drama-suspense movie sa Vivamax, sa Enero 28, 2022, sa direksyon ni Joel Lamangan.