Isang lalaki ang patay nang pagsasaksakin ng kanyang sariling kapatid matapos na magkapikunan habang nag-iinuman sa Angono, Rizal nitong Linggo ng gabi.
Dead on arrival sa ospital angbiktimang si Jerry Cabiling habang arestado naman at sasampahan ng kasong pagpatay sa piskalya ang kanyang kapatid na si Jesus Cabiling, kapwa nasa hustong gulang at taga-Brgy. San Isidro, Angono.
Sa ulat ng Angono Municipal Police Station, ang krimen ay naganap sa bahay ng suspek sa Sitio Labasan sa Brgy. San Isidro dakong 6:20 ng gabi.
Nauna rito, nag-iinuman umano ang magkapatid sa bahay ng suspek at sa gitna ng inuman ay nagkapikunan ang mga ito na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Kaagad umanong kumuha ng patalim ang suspek at sinaksak ang kapatid.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang kaso.
Mary Ann Santiago