BANGUED, Abra – Isa ang patay, samantalang 5 ang sugatan matapos mahulog at bumaligtad ang kanilang sasakyan sa bangin, malapit sa ilog noong umaga ng Biyernes, Enero 21 sa Sitio Mapait, Barangay Poblacion, Luba, Abra.

Nakilala ang namatay na si Dey-ann del Rosario Biernes, 23, ng Barangay Supo, Tubo, Abra, na idineklarang dead on arrival sa Luba Rural Health Unit (RHU).

Ang mga sugatan na ngayon ay ginagamot sa Luba Regional Health Unit ay nakilalang sina Pixie-Ann del Rosario Biernes, 20; Alberto Dogayan, 61; March Annaban Baltazar, 59; Joe Bonggayan Kanor, 48 at Oliver Apangwen Wilan, 39, drayber at pawang taga Tubo, Abra.

Sa paunang imbestigasyon ng Luba MPS, ang nasabing jeep ay papadaan sa Luba-Manabo Road, Barangay Poblacion, Luba, dakong alas 6:50 ng umaga, nang makasalubong nito ang isang sasakyan.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Tinangkang pagbigyan ng jeep ang kasalubong na sasakyan, subalit nawalan umano ng kontrol ang drayber at nahulog ito sa bangin at bumagsak itong nakabaligtad sa mabatong lugar ng ilog.

Samantala, noong Enero 16, dalawang katao din ang namatay, habang tatlo ang sugatan nang mahulog sa 40 metrong lalim ng bangin ang kanilang sinasakayang Tamaraw FX sa Buguias, Benguet.

Kinilala ang nasawi na sina Tyler Soriano Bitayan, 58 at Marceline Dada-an Calimodag, 51,kapuwa magsasaka sa Amgaleyguey Proper, Buguias, Benguet.

Ang mga biktima ay papauwi na sa kanilang lugar matapos dumalo sa lamay ng kamag-anak, nang mawalan umano kontrol ang drayber na si Frany Calimodag, 31, habang papaliko sa isang curb portion at nabangga ang roadside walling at nahulog sa bangin.

Zaldy Comanda