Tila nakaabang ang showbiz columnist at talent manager na si Lolit Solis kung kailan lalagay sa tahimik o magpapakasal sina Ultimate Heartthrob Piolo Pascual ng Kapamilya at Asia's Multimedia Star Alden Richards ng Kapuso.

Sa mga bankable actors daw kasi, halos lahat sila ay happily married na.

Piolo Pascual (Screengrab mula sa IG/Lolit Solis)

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

"Talagang lahat yata ang inaabangan, ang lovelife ni Piolo Pascual Salve. Kasi nga siya ang pinaka-eligible na bachelor at prize catch sa mga actor natin. Married na si Dingdong Dantes, Jericho Rosales at sila na lang dalawa ni Alden Richards ang talagang crush ng bayan at hinihintay kung sino ang masuwerte na babaeng huhuli ng kanilang puso," pahayag ni Lolit.

"Si Alden ay 30 years old, samantalang si Piolo ay 40+ na yata kaya naman kinasasabikan na kung kelan magkakaroon ng partner. Pero malay natin, talagang ayaw ni Piolo ang magkaroon ng kasama sa buhay, tutal naman ay meron na siyang isang anak, si Inigo Pascual kaya gusto niya maging single buong buhay niya."

Hangad ni Lolit na sana raw ay matagpuan nina Piolo at Alden ang babaeng aabot sa kanilang mga pamantayan o standard.

"Silang dalawa talaga ni Alden ang pahulaan kung kelan lalagay sa tahimik. Sana naman meron girl na umabot sa standard nila, tulad ni Marian Rivera kay Dingdong Dantes. Wait lang tayo, magkakaroon din iyan, sure ako."

Matatandaang kamakailan lamang ay sinabi ni Piolo na 'What you see is what you get' nang tanungin siya kung ano ba talaga ang real score sa pagitan nila ni Kapamilya actress Shaina Magdayao.

Noong Oktubre 2021 ay pinag-usapan ang tila double date umano nila ni Shaina kasama ang celebrity couple na sina Jodi Sta. Maria at Raymart Santiago, sa isang beach sa Bohol. Hindi naman nila nilinaw kung talaga bang magkakasama sila o nagkataon lamang na nagkita-kita sa parehong venue o area.

Habang si Alden naman, single pa rin at wala pang napababalitang girlfriend mula sa showbiz o kahit sa pribado. Noon ay napabalita na may non-showbiz girlfriend ito subalit hindi naman naipakilala sa publiko.

Matatandaang nagkaroon ng gusot noon sa pagitan nina Lolit, Piolo, at Sam noong 2007 nang akusahan ni Lolit si Papa Pi na ka-date nito umano ang Kapamilya actor na si Sam Milby, na umabot pa sa korte.