Matapos ang isang taon, kinumusta ni King of Talk Boy Abunda ang magkakaibigang nasangkot sa kaso ng kontrobersyal na pagkamatay ng isang Pinay na flight attendant na si Christine Dacera, sa mismong huling araw ng 2021, na mapapanood sa kaniyang YouTube channel.

Kung babalikan, matatandaang kasama umano ni Dacera ang kaniyang mga kaibigan sa pagdiriwang at pagsalubong sa New Year's Eve sa City Garden Grand Hotel sa Makati City noong Disyembre 31, 2020, at pagkatapos ay natagpuan na lamang siya na walang buhay.

Dacera camp wants police to file drug raps vs. guests at Room 2209 – Manila  Bulletin
Christine Dacera (Larawan mula sa Manila Bulletin)

Tsika at Intriga

Emilienne may alam daw tungkol sa nangyari kina Joshua, Elisse; rumesbak din kaya?

Batay sa autopsy report, nasawi umano si Dacera dahil sa ruptured aortic aneurysm.

Ngunit inakusahan sila ng ina ng biktima na si Sharon Rose Dacera na may foul play na naganap at maaaring nagahasa bago pinatay ang kaniyang anak. Saad naman ng magkakaibigan, paano mangyayari iyon kung sila ay 'gay'?

Sa YouTube channel ni Tito Boy na 'The Interviewer,' isa-isa niyang kinumusta ang magkakaibigang sina Gigo De Guzman, John Pascual “JP” dela Serna III, Clark Rapinan, Valentine Rosales, at Rommel Galido at sinamahan sila ng isang abogado na si Atty. Teresita Marbibi.

"I’m doing my best to be okay," saad ni Gigo de Guzman, anak ng yumaong singer na si Claire Dela Fuente. "I will not lie and say that everything is good but I’m just taking it one step at a time."

At isinalaysay ni Gigo ang kaniyang mga pinagdaanang hirap dahil pagkaka-involve sa kaso ng kaniyang kaibigan, gayundin ang pagkamatay ng kaniyang ina.

“I lost not only my mom. Financially, me and my brother are not well off anymore,” aniya. Nagtangka raw siyang mamasukan sa iba't ibang trabaho subalit wala umanong tumatanggap sa kaniya, hanggang sa may kaibigan siyang kumuha sa kaniya upang bigyan ng trabaho.

Naisara din ni De Guzman ang kaniyang restaurant dahil sa lockdown. Siya rin ay na-diagnose na may depression, anxiety, at alta presyon. Kinakailangan niya umanong gumastos ng 10,000 piso bawat buwan para sa kaniyang gamutan.

Bukod doon, nagkabaon-baon umano sila sa utang. Naibenta na rin umano nila ang mga alahas at paintings ng kanilang ina dahil wala na silang pamimilian.

“Until now I can’t even build my mom a mausoleum. We are holding on, because we have no choice."

May mga nagsabi pa sa kaniya na karma raw niya ang pagkawala ng kaniyang ina.

“Your mom died kasi karma mo ito. That I deserve it daw because mayaman daw kami. Dahil sa ginawa ko kay Christine. I’m like, ‘I tried saving her, you know. That was my intention. But it was impossible.’ And yet masasabihan pa ako na deserve mong mamatayan ng nanay," hanggang sa napaiyak na nga si De Guzman.

"I realized that I’m blessed with real friends, never turned their backs and were the first ones to defend," aniya pa.

Saad naman ni Dela Serna, hangga't maaari daw ay ayaw na niyang magpaapekto sa mga nangyari.

"My life must go on whatever happens," aniya. Pinakamasakit daw ang matawag siyang 'rapist,' 'drug addict', at 'killer'.

Sa panig naman ni Rosales naman ay namatayan naman ng ama na isang Taiwanese dahil sa stroke. Ang mas nakalulungkot umano rito, namatay ang kaniyang ama na hindi pa sila nagkakaayos simula nang umamin siya rito na isa siyang gay.

"Yung reaction ko noon, natatakot akong i-hug siya. Feeling ko kasi galit pa rin siya sa akin. Pero nag-apologize ako sa kanya na I didn’t become honest of who I am. Kasi he thinks I betrayed him. Pinaalam ko sa kanyang straight ako when the truth is that I’m gay," pag-amin ni Rosales.

"I apologized to him. I cried because hindi kami nakapag-ayos. The last time I spoke to him, I told him I was gay. Our last conversation was hindi maganda," dagdag pa niya.

Pag-amin naman ni Rommel Galido, pinagsisisihan niya kung bakit siya sumama sa kaibigan niya sa naturang party.

"Supposed to be nasa ibang party ako with other cabin crew. Nasa mall kami kumakain. Pero nandoon ako. Hindi mawala-wala sa akin ang sisi bakit sumunod ako doon. Bakit ako umoo kay Tin na pumunta ako doon sa New Year’s Eve na 'yun."

Isa pang pinagsisisihan niya, nabahiran niya umano ng mantsa ang pangalan ng kaniyang amang pulis, kahit hindi naman umano totoo ang mga paratang sa kanila.

"Bilang isang anak ng dating pulis, masakit 'yun kasi maayos ang pagpapalaki ng dad ko. Never kami nagkaroon magkakapatid ng record na nagda-drugs kami o nakikipag-rambulan kami. Wala kaming ganoong record sa province namin."

"Ngayon lang, kahit hindi naman totoo. Kahit wala naman nangyaring ganoon. Yun ang ibinabato sa amin. Bakit ba nangyari ito? Sinira ko ang pangalan ng tatay ko."

Patuloy na bumabangon naman si Rapinan sa kaniyang mga pinagdaanan, lalo na sa naging tingin sa kaniya at sa kaniyang pamilya nang dahil sa pagkakadawit sa kasong ito.

“Feeling ko ang sama-sama ko. Bakit ba nangyari ito? Alam ko na disappointed sila sa akin. I don’t think about myself na eh. Ang paki ko lang, sila Papa."

"Pag nakikita kong malungkot sila. Kahit hindi kami nag-uusap, alam kong nahihirapan sila."

Nadismiss ang kaso ng rape at homicide na isinampa kina De Guzman, Dela Serna, Rapinan, Rosales, Galido, at sa iba pang anim na indibidwal na kasama sa party nang gabing iyon, ng Makati Prosecutor’s Office noong Abril 2021.

Ngunit ayon kay Atty. Teresita Marbibi, hindi pa umano tapos ang usaping ito dahil maaari pa ang appeal na mai-akyat sa Department of Justice o DOJ.

Aniya, "Whoever wins, whether Dacera or them, one will appeal the case, so it might go up to the Supreme Court."

Gigo De Guzman, John Pascual “JP” dela Serna III, Clark Rapinan, Valentine Rosales, at Rommel Galido, Atty. Teresita Marbibi, at Boy Abunda (Screengrab mula sa YT/The Interviewer)

Mapapanood ang buong interview sa 'The Boy Abunda Talk Channel' na umere nitong Disyembre 31, 2021. Noong Enero 13, 2021 ay unang nakapanayam ni Tito Boy ang magkakaibigan sa na may pamagat na 'The Boy Abunda Interview Specials: 'Who Killed Christine Dacera?'