Mismong ang kare-resign lamang na ABS-CBN news anchor na si Julius Babao ang nagbahagi sa kaniyang Instagram account ng pa-teaser ng TV5 tungkol sa bagong news presenter ng flagship newscast nilang 'Frontline Pilipinas.'
Halatang-halata naman sa inisyal na ang tinutukoy na 'Journalist who is Brave', 'Journo at PuBliko' ang una, at 'Journo na Beterano' na magsisimula na sa Enero 17 ay walang iba kundi si Julius Babao.
"Sa Jan. 17 na!" caption ni Julius sa teaser ng News 5 para sa kaniya.
Isa naman sa mga bumati sa kaniya ang misis at dating ABS-CBN news anchor na si Christine Bersola-Babao, na nasa TV5 na rin.
"Congratulations Babe! Love you!" saad ni Christine. Tatlong heart emoticon naman ang tugon sa kaniya ni Julius.
Nagpaabot na rin ng pagbati sa kaniya ang dating kasamahan at ngayon ay makakatunggaling si Karen Davila, na isa sa mga main news anchor ng 'TV Patrol', ang flagship newscast naman ng ABS-CBN, na nagbabalik sa free TV sa pamamagitan ng A2Z channel 11.
Naging bahagi rin si Julius ng TV Patrol (TV Patrol World) kasama sina Karen at Ted Failon, na nauna nang lumipat sa TV5, kasama si DJ Chacha.
Sa huling linggo ng Disyembre 2021 ay naging guest news anchor si Julius. Noong Disyembre 31 ay pormal siyang nagpaalam sa mga Kapamilya viewers, lalo na sa TV Patrol.
BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/01/02/julius-babao-pormal-nang-nagpaalam-sa-mga-kapamilya-no-goodbyes/
Sa kaniyang vlog, itinampok niya ang kaniyang mga huling araw sa ABS_CBN. Makikita rin ang litrato niya kung saan nakatitig siya sa malaking ABS-CBN logo na nasa lobby nito.
Maging ang dating GMA Kapuso news anchor na si Rhea Santos ay nagpahatid din ng goodluck message sa kaniya, na naging intern pala sa dating morning show ng ABS-CBN na 'Alas Singko Y Media' kung saan kabilang si Julius at ang misis na si Tintin.
"All the best as you move forward to another adventure. You helped me realize my dream when I was an intern for Alas Singko Y Medya. Happy new year to you and the whole fam!" pagbati ni Rhea Santos.
Para sa mga hindi nakakaalam, napuntahan na ni Julius ang tatlong pinakamalalaking TV network sa bansa. Una siyang naging Kapuso noong 1990 hanggang sa lumipat siya sa ABS-CBN at naging Kapamilya noong 1993.
At ngayong 2022 nga, isa na siyang ganap na Kapatid na siya umanong hahalili kay Raffy Tulfo na tumatakbo namang senador.
Reunion nila ito ni Cheryl Cosim na isa sa mga pioneer anchors ng Frontline Pilipinas. Si Cheryl ay dating taga-ABS-CBN.