Naloka ang mga 'Marites' na pagpasok na pagpasok ng 2022, agad silang pinatikim ng 'tsaa' ni Queen of All Media Kris Aquino, nang mapansin ng mga netizen na burado na ang mga litrato at videos ni dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mel Sarmiento, na kaniyang fiance, sa social media accounts niya.

Nitong Enero 2, 2021 ng gabi ay unang naibahagi ng Balita Online ang mga napansin ng mga netizen. Kung titingnan nga ang socmed accounts ni Krissy, mapapansing nawawala na ang mga posts noong Oktubre kung saan una niyang isiniwalat na engaged na sila ni Mel.

BALIKAN: https://www.facebook.com/balitaphl/posts/4899426850113442

Nawawala na ang mga litrato at video nila na magkasama, lalo na noong nagtungo sila sa Negros Occidental upang mamahagi ng tulong para sa mga nasalanta ng bagyong Odette. Waley na rin ang mga previous posts nila kung saan makikita ang sweetness nila sa isa't isa, pati na ang pagkain nila sa isang fast-food chain, matapos dumalo sa isang kasalan.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

At tila nagpalit na rin ng display photo si Tetay sa IG: silang tatlo na ng mga anak niya na sina Joshua at Bimby Aquino.

Kaya tanong ng marami, anyare?!

Disyembre 9 ay nakapagbakasyon pa sila sa Boracay. Pabalik na umano sila sa Maynila noong Disyembre 17 pero dahil may bagyo nga, walang available na flight, kaya naranasan nila ang hagupit ni Odette.

Huling post ni Kris hinggil kay Mel ay nang pasalamatan niya ang fiance dahil naging matimpi ito sa kaniya kahit nagsusungit na siya, dala marahil ng pagod at sama ng pakiramdam.

"Thank you babe, dahil tiniis mo na lang ‘yung pagsusungit ko sa ‘yo dahil frustrated, walang tulog, at pagod na ko. Di ka pumatol, you were proud na excited ‘yung mga tao na pinuntahan ko sila," aniya.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/12/26/hindi-kailangan-nasa-posisyon-at-maging-kandidato-para-tumulong-sa-kapwa-pilipino-kris-aquino/

Sa kasagsagan nito ay naglabas din ng art cards si Kris na nagtatanggol at naglalahad ng mga nagawa o ambag ng kaniyang kuyang si dating Pangulong Benigno 'Noynoy' Aquino III o PNoy, sa panahon ng panunungkulan nito. Aniya, tinulungan umano siya ni Mel sa paggawa nito lalo't facts at dates ang inilalahad nila.

Nawawala na rin ang pahayag na 'Thank you babe for being my strength, and because makulit talaga ako sa facts, for making sure na tama lahat ng dates & figures na nilabas natin.'

Samantala, wala pang pahayag si Kris o maging si Mel tungkol dito, bagama't may isang IG account na @krismelspecial na naroon ang kanilang mga litrato. Hindi pa kumpirmado kung ginawa ba ang account na ito para sa kanila ni Mel.

Ang susunod na aabangan ng mga netizen ay ang mismong paliwanag mula sa Queen of All Media, na kilala naman ng lahat sa pagiging transparent at open book sa kaniyang buhay.