Usap-usapan ngayon ang kumakalat na litrato ng family photo ng Pamilya Barretto sa pagsalubong sa Bagong Taon---at kasama rito ang magkapatid na Marjorie at Claudine Barretto, na matagal nang may hidwaan.

Present sa family picture ang matriarch ng pamilya na si Inday Barretto habang katabi naman niya sa kaniyang kanang bahagi (kaliwa sa litrato) si Marjorie at ang mga anak nito na sina Claudia at Leon, habang nasa bandang kaliwa naman (kanan sa litrato) si Claudine at ang anak na si Sabina. Naroon din ang kapatid na lalaki na si Mito Barretto at ang pamilya nito.

Screengrab mula sa IG

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Magkagayon man, wala umanong 'resibo' na makapagpapatunay na tuluyan na nga silang nagkausap at nagkaayos. Maaaring dumalo umano ang dalawa sa family reunion at hindi sila nagkibuan, o kaya naman daw ay nag-usap nga subalit kaswal lamang at hindi na nakuhanan pa ng litrato at ibinahagi sa social media.

Ngunit ang sigurado dito, kahit na hindi pa umano nagkakaayos nang lubusan sina Claudine at Marjorie, hindi naman damay rito ang mga anak nila. Makikita sa ibinahaging video ni Claudine na kausap at itinutok pa niya ang camera sa pamangkin na si Leon, na bunsong anak ni Marjorie. Pagkatapos niyon ay ipinakilala ni Claudine ang kaniyang pamangkin na si Lucas, ang tatay nito at kapatid na si Mito, at ang sister-in law niyang si Connie. Ibinida rin niya ang mga pagkaing nakahain para sa kanilang New Year's Eve celebration.

Samantala, wala naman sa litrato sina Julia Barretto at ang isa pang anak ni Marjorie na si Dani Barretto. Hindi rin dumalo sa nasabing family reunion si Gretchen Barretto.

Marami naman sa mga netizen ang natuwa sa kanilang napanood sa video.

"Si Leon ba yun yung youngest nila Marjorie? Good to see in good terms pa rin sila sa Tita Claudine nila."

"Happy new year po nakakatuwa kasama n'yo po mga pamangkin n'yo."

"Sana ok na sila ni Julia kasi mukhang ok na sila ni Leon at Claudia."

"So happy to see you Ms. Clau with your pamangkins. A humble and big-hearted person. Indeed."

"Thank you Lord, bati-bati na sila happy new year Miss Claudine thank you."

Nagbahagi rin sina Sabina at Leon sa kanilang Instagram Stories ng kanilang litrato sa naganap na family reunion. Bumati naman sa IG post ni Claudine ang ex-husband ni Marjorie na si Dennis Padilla at si Gretchen Barretto.

Claudine Barretto (Screengrab mula sa IG/Claudine Barretto)

Ngunit ano nga ba ang nangyari sa kontrobersyal na Barretto sisters feud?

Kung susumahin, ito na ulit ang unang beses na nagkasama sa isang family gathering sina Claudine at Marjorie na matapos ang eskandalong naganap sa kanila noong Oktubre 2019 sa mismong burol ng kanilang yumaong tatay na si Miguel Barretto.

Sa naturang lamay din nagkabati ang mag-inang Inday at Gretchen Barretto makalipas ang ilang taong hidwaan, ngunit doon din nagkawarlahan sina Marjorie at Claudine; si Claudine naman ang kinampihan ni Gretchen, at ang mas nakakaloka rito, sa harap pa mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte nangyari ito.

Bagama't hindi malinaw kung ano ang puno't dulo ng kanilang girian, sinasabing nagkaroon umano ng 'nervous breakdown' si Marjorie nang makita ang mga kapatid, at dumating pa umano sa puntong nagkapisikalan pa. Kinabukasan pa nga ay naospital pa si Claudine dahil sa pagkahilo at hand injury. Pagkatapos niyon ay nagsunod-sunod na ang social media posts ng mga Barretto sisters: Marjorie versus Gretchen and Claudine ang nangyari.

Sa panayam ni Toni Gonzaga kay Marjorie noong Mayo 2021, inamin ni Marjorie na hindi pa sila nagkakaayos nina Claudine at Gretchen.

"Parang there’s just too much pain na it’s just gonna be more peaceful kung hindi bati. But it doesn’t mean that karga-karga ko araw-araw, na nagigising akong galit na galit sa kanila. Hindi eh, hindi ganoon," paliwanag ni Marjorie.

“Definitely, not from a place of hate. I don’t look back at it na masakit pa yung dibdib ko. I won’t wish ill of them. It’s not coming from a place of unforgiveness. I just want peace," dagdag pa niya.