AGUSO, Tarlac City-- Pumutok ang dalang paputok na kuwitis ng dalawang drivers ng motorized tricycles na sanhi na kanilang malalalang pagkasugat maging ng dalawang pasahero sa highway ng Barangay Aguso, Tarlac City nitong Disyembre 31, 2021.

Sa ulat ni Police Senior Master Sergeant Alexander G. Siron kay Lieutenant Colonel Jake C. Manguerra, Officer-in-Charge ng Tarlac City Police Station, ang mga grabeng nasugatan sa iba't ibang parte ng katawan ay sina Rexell Castro, 28, may-asawa, driver ng Rusi Motorized Tricycle na may plate number CD- 64318, asawang si Danica, 27, at anak nilang si Nixcell, 4, ng Sitio Tañedo, Barangay Aguso, Tarlac City.

Malala ring nasugatan si Jayson Punzalan, 37, may-asawa, driver naman ng Rusi Motorized Tricycle na may plate number CC- 53345 ng Sitio Pag-asa ng nasabing barangay.

Napag-alaman na ang dalawang motorized tricycles ay may mga dalang kuwitis patungo sa south direction ng Tarlac nang biglang sumambulat ang mga paputok na grabeng ikinasugat ng mga biktima na isinugod sa Tarlac Provincial Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Malaki ang hinala ng mga police authorities na maaaring nainitan sa makina ng tricycles ang mga kuwitis kaya sumabog na bumulabog sa mga sasakyan na dumaraan sa highway at ilang residente ng Barangay Aguso at kalapit pang lugar.

Hanggang sa oras na ito ay patuloy pang inoobserbahan ng mga doktor ang mga biktima na hindi pa matiyak ang kanilang kalagayan.

LEANDRO ALBOROTE