Ibinunyag ng love birds na sina Cherry Pie Picache at Edu Manzano na matagal na pala nilang gusto ang isa't isa at ito na ang kanilang 'second chance'.

Umupo silang pareho as a couple sa 'Luis Listens' ni Luis Manzano, anak ni Edu kay Star For All Seasons Vilma Santos-Recto, na masaya rin naman sa relasyon ng kaniyang dating asawa at kaibigan. Una umano silang nagkaroon ng relasyon dalawang dekada o dalawampung taon na ang nakararaan.

Edu Manzano, Cherry Pie Picache, at Luis Manzano (Screengrab mula sa YT)

James Reid, nagoyo ni Jeffrey Oh?

"Tahimik lang kami noon. It was almost a year," pag-amin ni Edu.

"Hindi niya ako makalimutan," pabirong sabi naman ni Cherry Pie.

"In fairness, kinikilig ako sa inyo,” pahayag naman ni Luis sa dalawa na tinawag niyang 'PieDu'.

Wala umanong nakaalam na may namagitan sa kanilang dalawa kundi sila lamang. Kaya naman sa tuwing nagkikita sila sa mga okasyon at showbiz gatherings, 'nagkakasalisihan' sila. Kapag single si Edu ay dating si Cherry Pie, at kapag si Cherry Pie naman ang available, dating naman si Edu.

"After the 20 years, lagi kaming nanatiling magkaibigan. We never drifted apart. We’d always see each other sa iba’t ibang okasyon, sa iba’t ibang gatherings. We would always be talking sincerely. We knew that we still like each other," pag-amin ni Edu.

"We remained friends and we would always see each other. And every time we see each other there is tension, which is a good thing, and something different."

"Every time na magkikita kami, you’d think na, ‘Parang iba pa rin ‘yung tingin niya.’ Pero I’d always dismiss it, kasi nga, 'di ba, charmer siya, eh," pag-amin naman ni Cherry Pie.

Naging daan naman ang 'Marry Me, Marry You' upang mapaglapit ulit sila.

"The chance na nakapagtrabaho kami muli sa Marry You, Marry Me, wala naman expectations, eh."

"Tuloy lang iyon doon sa aming pagkikita during the past twenty years kung saan-saan. It’s not like yung, 'Uy, kumusta ka na?'" sey pa ni Edu.

Noong Nobyembre ay naging usap-usapan ang kanilang mga sweet photos na magkasama, kaya umugong ang espekulasyon na may namamagitan sa kanilang dalawa. Umamin naman kaagad si Edu na sila na nga (ulit) ni Cherry Pie, kung pagbabatayan ang sinabi nila na pangalawang pagkakataon na ito.