Arestado ang walong sabungero makaraang salakayin ng mga pulis ang dalawang tupadahan sa magkakahiwalay na lugar sa Malabon City.

Kwento ni PSSg. Paul, may tumawag sa kanilang sa District Special Operation Unit (DSOU) na umano'y may nagsasabong sa Block 40, Gold Fish Alley Brgy. Longos.

Kaagad na pinuntahan ng DSOU ang nasabing lugar dakong alas 4:00 ng hapon at nang makita ng mga nagsasabong ang paparating na mga pulis, kanya-kanya itong karipas ng takbo.

Nadakip sina Alfredo Montilla, 63, Marvin Vendivil, 31, at Cornelio Solayao, 49.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga aspirants na nag-file ng COC at CONA ngayong Oct. 3

Nakuha ng mga pulis sa tupadahan ang dalawang patay na panabong na manok na may tari at P500 bet collection.

Bandang alas 9:00 naman ng umaga, ni-raid din ng DSOU ang illegal na tupadahan sa Block 17 Dagat-dagatan, Brgy. Longos na nagresulta sa pagkakaaresto kina Jhonwayne Macabio, 43, Lamberto Tulyo, 40, Pablo Laban, 44, Rogelio Depeña, 56 at Richard Camacho, 43.

Nasamsam ng mga operatiba ang dalawang patay na panabong na manok na may tari at P11,000 bet collection.

Kinasuhan ng PD 1602 (illegal gambling ) ang mga naaresto.

Orly L. Barcala